REGIONAL-NEWS

Pagsugpo sa COVID-19 tinalakay sa pagpupulong na pinangunahan ng DILG-Pampanga

September 30, 2021

Pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-Pampanga ang pagpupulong sa pagpapaigting ng mga hakbang laban sa COVID-19, kasama ang mga pinuno ng barangay, bayan at lungsod, bunga nang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso sa lalawigan.

Sa mensahe ni DILG-Pampanga Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia, muli niyang pinaalalahan ang mga pinuo ng barangay sa kanilang mga tungkulin at mga dapat gawin upang mapagpagbuti at mapalakas ang mga pagtugon sa pandemya.

"Kailangan nating kumilos ng iisang direksyon mula sa panlalawigang pamahalaan hanggang sa mga barangay. Marami pa tayong kailangang gawin para malabanan at mabawasan natin ang pagtaas ng kaso dito sa mahal nating lalawigan. Magkaisa at tulung-tulong tayo. Malakas ang Pilipino, kaya nating bumangon mula sa pandemyang ito." ani PD Fabia.

Binigyang-diin sa pagpupulong ang usapin tungkol sa pagpapatupad ng localized zoning containment o granular lockdown. Tampok din dito ang talakayan ukol sa kasalukuyang bilang ng kaso at lagay ng bawat barangay, bayan at lungsod sa Pampanga ukol sa naturang sakit.

Nagbahagi rin si Ar. Emiliano Clemente, Local Disaster Risk Reduction and Management Officer (LDRRMO) ng Candaba, ng kanilang mga karanasan sa pagpapatupad ng localized zoning containment.

Ang Localized Zoning Containment Strategy ay isa sa pinakaepektibong paraan sa pagpigil ng pagkalat ng virus sa pamamagitan ng paglalagay sa pinakamaliit na apektadong lugar sa ilalim ng lockdown. Habang nasa granular lockdown ang isang lugar, mahigpit na ipagbabawal ang paglabas-masok ng mga apektadong residente. Nararapat din na isagawa rito ang paglilinis at pagdi-disinfect ng lugar, at pagtitiyak na may mga pagkain ang mga apektadong residente.

Dinaluhan ang pagpupulong na ito ng mga Punong Barangay, Hepe ng Kapulisan, LDRRMO/Local Government Unit Focal on Zoning Containment, Local Health Officers, Rural Health Unit Heads at DILG Officers.

Patuloy ang DILG sa pag-antabay sa mga pagtugon ng mga lokal na pamahalaan kasama ang pagpapabilis ng vaccination rollout, paggamit ng mga isolation centers, at pakikisa sa contact tracing activities.