REGIONAL-NEWS

Pagpapaigting ng Contact Tracing sa barangay, hinimok ng DILG

September 30, 2021

Hinihimok ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal-Cordillera Administrative Region (DILG-CAR) ang pagpapalawig at pagpapaigting ng contact tracing sa mga barangay upang masugpo ang COVID-19 sa mga pamayanan.

Ipinahayag ni Araceli San Jose, Tagapangasiwa-Panrehiyong Patnugot (OIC-Regional Director) ng DILG-CAR na sa pagpasok ng COVID-19 Delta variant sa rehiyon ay kanilang ipinapaalala sa mga Punong Barangay at mga kasapi ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) ang kani-kanilang mga tungkulin sa pagtugon at pagsugpo sa COVID-19.

“Aming pinapaalala rin ang pagtatalaga ng karampatang bilang ng BHERT para sa partikular na bilang ng populasyon sa barangay at patuloy na maging katuwang ng pamahalaan ang buong pamayanan sa pagsugpo at pagpigil sa COVID-19,” dagdag pa nito.

Ipinapaalala din sa mga Punong Barangay ang pagtukoy ng isang contact tracer na magmumula sa BHERT at siguraduhing magtalaga ng isa sa bawat limang libo na populasyon o kada barangay upang mas mapalakas ang case finding at contact tracing.

“Mainam na ang contact tracer ay magmula sa miyembro ng BHERT ng barangay dahil inaasahan na sila ay nakadalo na sa mga angkop na pagsasanay,” saad ni San Jose.

Ang karagdagang contact tracer sa bawat barangay ay makatutulong upang mapabilis ang pagtunton at maalalayan nang maayos ang mga nagpositibo sa sakit at ang kanilang mga nakasalamuha ng malapitan

Sinabi din ni San Jose na patuloy na magsasagawa ng mga pagsasanay ang DILG-CAR at ang Akademya ng Pamahalaang Lokal (LGA) para sa mga contact tracer at ang pamimigay ng Contact Tracing Handbook upang maging gabay nila para sa mas maayos na pagsasagawa ng kanilang tungkulin sa komunidad.

“Makakaasa kayo sa patuloy naming suporta sa pamamagitan ng pagbuo ng mga pagsasanay para sa ating mga contact tracer upang madagdagan pa ang kanilang kaalaman at kapasidad,” pagbibigay diin niya.

Samantala, muling pinapaalalahanan ng Kagawaran ang publiko sa patuloy na pagsunod sa minimum public health standards (MPHS) at pagpapabakuna upang maiwasan ang pagtaas ng kaso sa rehiyon.