REGIONAL-NEWS

DILG-CAR sa mga pamahalalaang lokal: Palakasin ang Emergency Opcen sa rehiyon

September 14, 2021

Isinusulong ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng Kordilyera (DILG-CAR) ang pagpapagana at pagpapalakas ng Emergency Operation Center (EOC) ng mga lokal na pamahalaan bunga nang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Ipinahayag ni Araceli San Jose, Tagapangasiwa-Panrehiyong Patnugot ng DILG-CAR na patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa rehiyon kaya naman kanyang hinihimok ang bawat pinuno ng lokal na pamahalaan na kanilang paigtingin at palakasin ang pagtugon sa pandemya sa pamamagitan nang mas maayos na pagpapakilos ng EOC sa kanilang nasasakupan.

Kaugnay nang pagpapalakas ng EOC sa rehiyon ay ang pagtiyak na ang kanilang mandato sa pagtatatag at pagpapatakbo ng mga EOC ay alinsunod sa Batas Panrepublika Bilang 10121 o ang "Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010” at patnubay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Memorandum Bilang 43, Serye ng 2016.

“Sa paraang ito, inaasahan ang higit na pagtutok sa nakatalagang istruktura ng organisasyon, mga tungkulin, at mga sistematikong proseso para sa EOC,” dagdag pa nito.

Pinapaalalahanan din ang mga lokal na pamahalaan na tiyakin na ang kanilang mga nakatalagang EOC ay may sapat na kakayahan upang masiguro ang kaayusan ng mga sumusunod: multi-stakeholder coordination, information management at resource mobilization para sa mga maayos na operasyon ng lokal na pamahalaan sa kinakaharap na pandemya.

“Ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan sa rehiyon ay ating pinapaalalahanan na tiyakin ang regular na koordinasiyon sa mga EOC sa kanilang nasasakupan para masigurado ang pagkakaisa ng mga estratehiya at hakbang sa pagtugon sa pandemya,” saad pa ni San Jose.

Dagdag pa nito na patuloy na susubaybayan at titiyakin ng DILG-CAR ang masigasig na pag-ganap ng mga EOC sa kanilang tungkulin sa panahon ng pandemya at sakuna.