NEWS

Sa paglagda ng Bayanihan 2, magsisimula nang mag-hire ang DILG ng 50,000 contact tracers

September 14, 2020

Sisimulan bukas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang recruitment, hiring, at pagsasanay ng hindi bababa sa 50,000 na mga contact tracers sa buong bansa upang mapalakas ang contact tracing program ng bansa kasunod ng paglagda ng Pangulo sa “Bayanihan to Recover as One Act” o Bayanihan 2 Law.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ang karagdagang 50,000 contact tracers ay "game-changer sa COVID-response ng bansa dahil mapipigilan ang paglaganap ng sakit at mapupuksa na ang COVID-19 sa kalaunan."

"Malugod naming tinatanggap ang paglagda ng Bayanihan Law 2 sapagkat nangangahulugan ito na maaari na nating simulan ang proseso ng pagrecruit ng mga karagdagang contact tracers na agarang kailangan ng iba`t ibang mga Local Government Units sa buong bansa. Muli, pinasasalamatan namin ang Pangulo at Kongreso sa paglalaan ng kinakailangang pondo para sa COVID response," aniya.

“Naghahanap ang DILG ng mga dedikado at makabayan na mga indibidwal na nais makilahok sa laban kontra COVID-19. Kung nais mong aktibong makibahagi sa pagpuksa sa pandemya, sumali sa DILG Contact Tracing Teams!,” aniya.

Sinabi niya na ang 50,000 contact tracer na kukunin ay itatalaga sa iba't ibang mga Contact Tracing Teams (CTT) ng Local Government Units. Sa kasalukuyan, ang mga Contact Tracing Teams ay mga pinagsamang yunit na pinamumunuan ng mga Municipal/City Health Officers na may mga kasapi mula sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTS), at mga volunteers mula sa mga Civil Society Organizations (CSOs).

Sa kasalukuyan, mayroong 97,400 contact tracers sa buong bansa at sa tulong ng karagdagang contact tracers ay na maaabot ang pambansang target na 150,000 contact tracers. "Sa karagdagang 50,000 contact tracers, masusunod na natin ngayon ang Magalong formula ng pag-trace sa 37 close contacts sa 1 pasyente ng COVID hanggang sa ikatlong degree," aniya.

Ayon sa mga alituntunin na itinakda ng DILG, ang mga contact tracers ay tatanggap ng minimum na sahod na P18,784 bawat buwan bilang contract of service personnel. Kabilang sa kanilang mga responsibilidad ay ang magsagawa ng mga panayam, profiling, at pagsasagawa ng initial public health risk assessment ng COVID-19 cases at kanilang identified close contacts; iendorso ang mga close contacts sa mga isolation facilities; magsagawa ng enhanced contact tracing sa pakikipagtulungan ng iba pang mga ahensya at pribadong sektor; magsagawa ng pang-araw-araw na pagsubaybay sa close and general contactsna hindi bababa sa 14 na araw, at isagawa ang iba pang mga gawain na may kaugnayan sa COVID response.

Sinabi niya na ang National Capital Region (NCR) ay makakakuha ng 19.2% ng kabuuang bilang ng mga bagong contact tracers dahil nananatili pa rin itong isa sa mga hot spots ng COVID-19. “Mas maraming naitatalang kaso, doon maglalagay ng mas maraming bagong contact tracer. Malaking bilang ng mga bagong contact tracers ay gagana at matatrabaho sa lahat ng rehiyon ng bansa, kung saan NCR ang may pinakamalaking bilang.”

Paano maging isang Contact Tracer?

Sinabi ng DILG Chief na ang nagnanais maging isang contact tracer ay dapat mayroong Bachelor’s degree o college level sa mga kursong allied medical o criminology. Mayroon din dapat silang kasanayan sa pangangalap ng data at nakatulong na sa research at documentation; makipanayam sa COVID-19 cases at close contacts upang makakalap ng datos; nagtataglay ng kakayahang ipabatid at ipaliwanag ang health education messages sa publiko, at magkaroon ng kakayahang magsagawa ng imbestigasyon.

"Napakahalaga na ang isang kandidato ay dapat maging handa na magsaliksik at mag-imbestiga sapagkat iyon ang pinakadiwa ng trabaho. Iyon ang hinahanap natin, isang tao na tutuntunin ang mga posibleng kaso ng COVID sa komunidad,” aniya.

Ang mga aplikante ay kinakailangang magsumite ng isang letter of intent, Personal Data Sheet, National Bureau of Investigation Clearance, at mga resulta ng drug test.

Dapat isumite ng mga aplikante ang kanilang mga dokumento sa mga DILG Provincial at City Field Office sa kanilang lugar o bisitahin ang kanilang mga website para sa pag-post ng mga bakante. Sinabi niya na ang mga contractual personnel na hindi na-renew ang kontrata, Overseas Filipino Workers na nagambala ang trabaho, at mga lokal na empleyado na nawalan ng trabaho ay maaaring bigyan ng prayoridad sa hiring process kung kwalipikado.