NEWS

ADVISORY

Isa pang disenyo ng motorcycle barrier para sa mga back-riding couples, inaprubahan ng NTF -- DILG

July 14, 2020

Sinabi ngayon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na inaprubahan ng National Task Force (NTF) for COVID-19, sa pamumuno ni Kalihim Delfin Lorenza, ang isa pang disenyo ng motorcycle barrier o shield na maaaring magamit ng mga back-riding couples, karagdagan sa naunang disenyo ni Governor Art Yap ng Bohol na naaprubahan noong nakaraang linggo.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ang dalawang disenyo ay kabilang sa ilang mga panukalang isinumite sa NTF na pinamumunuan ni Sec. Lorenzana, at kapwa sumunod sa minimum health standards na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID). Sinabi din niya na ang parehong mga barriers ay magpapanatili ng kinakailangang physical distancing sa sektor ng transportasyon.

"Hinihikayat namin ang mga motorcycle-riding public na gamitin ang dalawang prototypes na inaprubahan na din naman ng NTF kaya inaasahan natin na ang ating mga kababayan ay makikiisa at susunod sa pamantayang ito,” sabi ni Año, na siyang vice-chairman ng NTF.

Binigyang diin niya na ang back-riding ay mahigpit na para lamang sa mga mag-asawa, common-law couples at live-in partners, ngunit hindi niya tinatanggal ang posibilidad na kapag gumanda na ang sitwasyon natin sa COVID-19, maraming tao ang papayagang mag-backride. "Samantala, ito muna ang inapprove ng NTF at ng ating chairman, si Secretary Lorenzana,” dagdag niya.

Sinabi ni Año na ang pangalawang disenyong inaprubahan ng NTF ay inihahalintulad sa isang backpack na isinusuot at binibigkis sa drayber ng motorsiklo at una nang iminungkahi ng motorcycle taxi platform na Angkas.

Ipinaliwanag niya na ang pananggalang na plastik ng Angkas, tulad ng naunang disenyong inaprubahan ng NTF, ay kinakailangan sa lahat ng mga pinapayagang mag-backride. Sinabi niya na ang bagong naaprubahang shield barrier ay nagpapanatili ng physical distancing at gawa sa lightweight, high-density na plastik, na nagbibigay ng road visibility na may hawakan na maaaring magamit ng backrider.

"Ang pangalawang inaprubahang disenyo ay mas simple dahil ito ay maii-strap sa driver ng motorsiklo at hindi direktang naka-mount sa mismong motorsiklo, hindi katulad ng naunang disenyo. Maganda din naman na mayroong pagpipilian ang ating mga kababayan, ngunit sa ngayon, pareho nang naaprubahan ang dalawang disenyo para gamitin,” sabi ni Año.

Dahil ang disenyo ay pinasimulan ng Angkas noong nakaraang buwan, nakakuha ito ng suporta mula sa publiko at ibinahagi sa iba't ibang mga social media platforms. Nagpalabas si Davao City Mayor Sara Duterte ng isang memorandum sa lungsod na nagpapahintulot sa “alternatibong disenyo ng barrier (mula sa Angkas, JoyRide) na maaaring gamitin tulad ng Bohol design.”

Ang inisyal na disenyo ng barrier ng motorsiklo para sa mga back-riding couples ay iminungkahi ni Bohol Governor Arthur Yap at inaprubahan ng NTF para magamit noong Hulyo 10, 2020.

Samantala, sinabi ni Año na ang mga mag-asawa, common-law couples at live-in partners ay kailangang magpakita ng IDs sa Quarantine Control Points at mga law enforcers bilang katibayan na sila nga ay isang couple.

Idinagdag niya na ang kooperasyon at disiplina ng publiko ay may mahalagang papel sa paglaban sa coronavirus. Sinabi niya na ang mga hakbang na ito ay walang kabuluhan "kung ang mga tao ay igigiit ang dating gawi noong mga panahon bago pamagkaroon ng COVID-19."

“Ito pong motorcycle barriers or shield, physical distancing at iba pang hakbang laban sa COVID-19 ay subok na at napag-aralan. Hinihimok namin ang publiko na gawing kasanayan ang disiplina at pakikiisa sa pamahalaan habang magkasama nating nilalabanan ang virus,” aniya.

Sinabi rin niya na bilang karagdagan sa motorcycle barrier/shield, ang mga back-riding couples ay dapat palaging magsuot ng kanilang facemask, helmet, at sumunod sa mga batas trapiko. Nauna na niyang pinaalalahanan ang mga pulis na siyang manguna sa pagsunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.