NEWS

DILG sa mga kandidato: Huwag magbayad ng “permit to campaign” sa CPP/NPA para hindi ma-disqualify

October 15, 2021

Binalaan ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng kandidato na tatakbo sa 2022 national at local elections na huwag magbayad ng extortion money o ang tinatawag na “permit to campaign fees” sa Communist Party of the Philippines/New People's' Army (CPP-NPA-NDF) kung hindi au gagawa ito ng hakbang para sila ay ma-disqualify kahit na sila ay nakapag-file na ng certificate of candidacy.

Pinaalalahanan ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang lahat ng kanidato sa Memorandum Circular 2019-26 kung saan tinawag nitong modus operandi at isang "malinaw na pangingikil at pagdurungis sa pagkasagrado ng karapatan sa pagboto."

“Huwag po tayong magpaloko at matakot. Ang ibabayad n’yong extortion money sa mga komunista ay gagamitin din nila para makapaghasik ng terorismo sa bansa," sabi pa nito.

Ayon sa naturang direktiba, inaatasan ni Año ang local government units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) na siguruhin na lahat ng kandidato ay pinapayagang pumasok sa bawa’t LGU at garantiyahan ang kapayapaan at kaayusan sa lahat ng lugar lalong-lalo na sa mga tinataguriang hotspots ng terorismo.

“Hindi dapat direkta o indirektang masangkot ang lahat ng lokal na opisyal sa pagbibigay ng anumang uri ng suporta sa CPP-NPA dahil ito ay isang malinaw na paglabag sa batas. Ito ay isang bagay sa DILG sa ilalim ng aking pamumuno na hindi ko papayagan,” sabi nito.

Inaatasan din ang mga LGUs na siguruhin na lahat ng tao na nais bumoto ay pinapayagan at ang kanilang karapatan na sumali sa political assemblies at meetings at sa pamamahagi at pagtanggap ng mga impormasyon ukol sa eleksyon ay protektado.

"Dapat nating siguruhin ang kaligtasan ng lahat ng kandidato at political parties pati na rin ang malaya nilang pangangampanya nang walang pananakoy at manipulasyon mula sa communist terrorist groups," sabi nito.

Sinabi naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na magsasampa ang DILG ng disqualification cases laban sa mga kandidato na mapapatunayan na sumusuporta at nakikipagtulungan sa mga CPP/NPA/NDF.

“Ang pagsuporta sa mga communist terrorist groups sa pamamagitan ng pananalapi o iba pang paraan ay isang election offense na sapat na batayan na upang ma-disqualify ang isang kandidato” sinabini Malaya.

"Hindi ito salita lamang at gagawin namin talaga ito, iyong mga politikong mapapatunayan na kasabwat ng CPP/NPA ay mahaharap sa disqualification cases mula sa DILG,” sinabi pa nito.

Noong 2018, isinawalat ng DILG ang watchlist ng 349 local government officials na kinilalang may ugnayan at sinusuportahan ang CPP/NPA sa pamamagitan ng extortion money noong nakaraang 2016 election.

“Kami ay natutuwa na sa 2019 elections, 63 local officials lamang ang nai-report ng intelligence sources na sumuporta sa CPP/NPA. Ito ay malinaw na tagumpay pa sa whole-of-nation approach laban sa mga CTGs,” sabi nito.

Inatasan ng DILGang Philippine National Police na mahigpit na tutukan ang 63 local government officials na may ugnayan sa mga CPP/NPA at iba pang kandidato na tumatakbo sa darating na election na mayroong planong suportahan ang communist terrorist group.

Sa Section 4 ng Republic Act 10168 o “The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012,” nakasaad na ang sinumang nagbibigay ng suportang pinansyal sa mga terrorist groups para sa pagsasagawa ng terorismo ng terrorist organization, association o grupo o isang individual terrorist, ay may sala sa krimeng financing terrorism.

Sinabi nito na sa ilalim ng RA 10168, ang krimeng financing terrorism ay may kaparusahang reclusion temporal hanggang reclusion perpetua at fine danyos na hindi bababa sa P500,000 hanggang P1-milyon.

Ito ay may kaparusahan din sa Section 261 ng Omnibus Election Code of the Philippines kung saan ang akusado ay mapapatawan ng permanenteng diskuwalipikasyon sa paghawak ng tungkulin sa gobyerno at pagkakakulong ng mula isa hanggang anim na taon.