NEWS

DILG sa mga LGU: Ipagpatuloy ang road clearing operations hanggang Enero 15

January 12, 2021

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga local government unit (LGUs) na ipagpatuloy ang pambansang Road-Clearing Operations 2.0 (RCO 2.0) sa kani-kanilang lugar at pabilisin ang pagpapatupad dahil ang 60 araw na deadline ay magtatapos sa Enero 15, 2021.

"Ngayon na natapos na ang bakasyon, inaasahan namin na ang lahat ng LGUs ay sinisimulan na ang kanilang mga nabimbing road clearing operations. Dapat ay nakapagsimula na sila noong Nobyembre 16 noong nakaraang taon hanggang Enero 15,"sabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya.

Binigyang diin niya kahit na deadline na sa Enero 15, ang road clearing operation ay isang gawain sa buong taon na nangangailangan ng masikap na pagpapatupad.

“Balik trabaho na naman po tayo kaya kailangan nating seryosohin ang road clearing para sa mas maluwag na lansangan at para na rin sa kapakanan nating lahat,”aniya.

Ayon sa DILG Memorandum Circular (MC) No. 2020-145, full implementation ng lahat ng components ng RCO 2.0 ang dapat ipatupad ng mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) hanggang Enero 15.

Nakasaad din sa sirkular na kasama sa full implementation ang pag-aalis ng mga road at sidewalk obstructions, pagsasagawa ng mga road inventories, pisikal na pagtanggal ng mga sagabal sa kalsada nang may pagsasaalang-alang sa karapatan ng mga apektadong stakeholders, pagbuo at pagpapatupad ng mga dispalcement plans, rehabilitasyon, at pagpapanatili ng na-clear na mga kalsada, at pagsasagawa ng isang grievance mechanism.

Ang mga LGU na nakapailalim ng General Community Quarantine (GCQ) ay inaasahang magsasagawa ng partial implementation ng RCO 2.0, na limitado sa aktwal o pisikal na pagtanggal o pagbawas ng mga road at sidewalk obstructions na itinuturing na mapanganib sa mga motorista at mga pedestrian.

Kasama rito ang mga unauthorized parked vehicles, illegal structures,istorbo, at anumang iba pang istraktura na itinayo o nakatayo,na pumipigil sa ligtas at maginhawang pagdaan sa pampublikong kalsada o bangketa.

Samantala, ang mga road clearing operations ay suspendido sa mga lugar sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sinabi ni Malaya na ang validation ng compliance ng mga LGUs ay isasagawa mula Enero 18 hanggang 22, 2021. Kasama sa mga aytem na hahanapan ng patunay ng DILG Validation Teams ay ang mga Tricycle Route Plans sa kani-kanilang lugar upang matiyak na may mga alternate routes para sa mga traysikel na ipinagbabawal ng batas na mag-operate sa mga pambansang highway sa buong bansa.

Pinapaalalahanan din niya ang lahat ng LGUs na sundin ang mga minimum health standards habang isinasagawa ang kanilang road clearing operations.

"Sa pagsisimula natin ng Bagong Taon, dapat din nating ipagpatuloy ang ating pagtahak sa new normal. Dahil dito, kailangang tiyakin na ang ating mga kalsada ay mananatiling ligtas, accessible, at malaya sa iligal at potentially hazardous encroachments,"aniya.

“Sa pagpapatuloy po ng serbisyo sa bagong taon ay huwag po nating kalimutan ang pagkakaroon ng disiplina sa pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay at pag-distansya ng isang metro,”dagdag niya.

Isinailalim pa rin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa GCQ ang National Capital Region (NCR) at Davao City mula Enero 1 hanggang Enero 31, 2021.

Nasa GCQ rin ang Isabela, Santiago City, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao del Sur, Iligan City, at Davao del Norte.

Ang lahat ng iba pang mga lugar nasa MGCQ na. ###