NEWS

ADVISORY

DILG inatasan ang mga LGUs na ibigay ang mga pangalan ng mga pamilyang hindi nakatanggap ng tulong sa SAP

May 19, 2020

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government ang lahat ng pamahalaang lokal na tukuyin ang mga households na hindi naibilang sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno na sa tantya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD ) ay nasa halos limang (5) milyong pamilya.

Tiniyak ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ang mga naiwang pamilya ay maisasama sa SAP basta’t kuwalipikqdo sila sa ilalim ng mga panuntunan ng DSWD. “Wag po kayong mag-alala, tutulungan po kayo ng ating pamahalaan. Binibigyan namin ang mga LGU ng tatlong (3) araw upang isumite ang kanilang paunang listahan sa amin sa DILG at sa DSWD na siyang magsasagawa ng validatio sa listahang iyon,” aniya.

Sinabi niya na ang "left-out o waitlisted households" ay mga pamilyang may mababang kita na hindi tumatanggap ng anumang Conditional Cash Transfer at hindi kasama sa paunang 18 milyong kabahayan na nakinabang sa 1st tranche ng tulong pinansyal ng SAP. Ang mga LGU ay may hanggang Mayo 21 upang isumite ang mga pangalan ng kanilang mga family-beneficiaries sa DILG at DSWD.

“Nakita natin na sa kabila ng unang 18 milyong mga benepisyaryo ng SAP, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng tulong. Tutulungan ang mga 'left-out households' na umaabot sa halos limang milyon kaya nakapahalaga na mabuo ng mga LGU ang listahan na ito sa lalong madaling panahon,” sabi ni Año.

Sinabi niya na batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), may limang (5) milyong left-out households (maliban sa paunang 18 milyong pamilya na naka-target) ang may mababang kita at kuwalipikado para sa SAP aid.

Sa isang DILG Memorandum Circular, inatasan ni Año ang lahat ng Local Chief Executives na agad tukuyin agad ang mga naturang kabahayan na may mababang kita at isumite sa DILG Regional Offices at mga lokal na tanggapan ng DSWD ang listahan ng mga naiwan na kabahayan sa kanilang lokalidad sa mismong araw o bago ang Mayo 21, 2020.

Sinabi niya na ang nasabing paunang listahan ay dapat ihanda ng mga barangay at hindi kailangang tingnan kung gaano na katagal sa lokalidad o kung botante ba ang mga miyembro anuman ng sambahayan. Ito rin ay dapat na i-post sa mga ilang lugar sa komunidad at sa kanilang mga social media platforms para sa makita at mabasa ng publiko.

Sinabi ng DILG Chief na ang mga may reklamo tungkol sa paunang listahan ng barangay ay maaaring maghain ng apela sa Municipal Social Welfare and Development Office o sa alkalde mismo. Kung walang pagkilos, maaaring dumulog mismo sa DSWD.

Ayon sa Memo Circular, nilinaw niya na ang nasabing listahan ay hindi pa dapat isipin na final na dahil ito ay isasailalim pa sa validation ng DSWD.”

“Muli, barangay ang makakatuwang natin dito sa pagbuo ng listahan na ito. Binabalaan ko muli ang ating mga barangay officials na hindi namin sasantuhin ang mga mandaraya rito at maging sa pamimigay ng 2nd tranche ng SAP,” ani Año.

Kamakailan lamang ay inihayag ng DILG na 23 na mga opisyal ng barangay sangkot sa tiwaling pamamahagi ng tulong ng SAP at nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal. Labindalawang kasong kriminal ang isinampa laban sa mga pinuno ng barangay, at may apat pa na isampa sa mga darating na araw.