NEWS

DILG hinikayat ang LGUs na i-upload ang tamang datos sa Vaccine Information Management System (VIMS) sa loob ng 24 oras

September 13, 2021

Matapos ilunsad ang VaxCertPH program sa NCR ngayong buwan, hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na madaliin ang pag-upload ng kumpleto at tamang detalye sa Vaccine Information Management System (VIMS) ng DICT upang makakuha ng digital vaccination certificates ang mga fully vaccinated na mamamayan.

“Ang VaxCertPH ay kailangan para ma-isyuhan ng digital vaccination certificates ang mga kumpleto na sa COVID-19 doses sa bansa. Kaya dapat siguruhin ng mga LGUs na maipasok ang tamang datos sa VMIS sa loob ng 24 oras mula ng mabakunahan,” sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Sinabi pa nito na ang digital certificates na iiisyu sa ilalim ng VaxCertPH ay magiging patunay sa mga Filipino at non-Filipinos na nagpabakuna sa Pilipinas na may balak maglakbay palabas ng bansa o umuwi galing sa ibang bansa, bilang pagtugon sa requirement ng ibang bansa na magpresenta ng vaccine certification mula sa Philippine Department of Health ang mga nais pumasok sa kanilang teritoryo.

Kasalukuyang nasa soft-launch, ang VaxCertPH ay unang magagamit ng mga OFWs at mga dayuhang maglalakbay sa Metro Manila. Ito ay ilulunsad din sa buong bansa pagkatapos ng pilot period sa NCR.

May 20.9 million Filipino na ang fully vaccinated ng Covid-19 vaccine kung saan 27.1% ang kabilang sa eligible population. Sa NCR, 5.1 million na ang fully vaccinated, kung saan 52.37% ang kasama sa eligible population, habang 8,261,461 (85.50%) ang nakatanggap na ng unang dose.

Binuo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa Department of Health (DOH), ang VaxCertPH ay “self-service web portal” na ginagamit ang vaccination data na isinusumite ng LGUs sa pamamagitan ng VIMS.

Mayroon itong request at creation feature ng COVID-19 Digital Vaccination Certificate; gumagawa ng QR (Quick Response) code kung saan authenticated ang certificate; mayroon din itong request feature kung saan ang kliyente ay puwedeng mag-request ng updating ng records kung may maling vaccination details o missing information.

Ayon kay Año, ang VaxCertPH ay sumusunod sa mga guidelines na inisyu ng World Health Organization (WHO) para sa Digital Documentation ng COVID-19 Certificate (DDC).

Sinabi pa nito na dapat kilalalinin ng mga LGUs at ipatupad ang VaxCertPH bilang official proof of vaccination para sa mga lokal na biyahero at magtalaga ng LGU coordinator para sagutin ang mga katanungan at ayusin ang mga record-related issues ng vaccinations.

Sa DILG Memorandum Circular (MC) No. 2021-095, inaatasan ang mga local chief executives (LCEs), DILG Regional Directors (RDs), at Minister for the Local Government ng Bangsamoro Autonomous Region ng Muslim Mindanao (BARMM) na aktibong lumahok at suportahan ang pagsasanay na isinagagawa ng DICT tungkol sa VaxCertPH.

Sa ilalim ng Republic Act 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, inatasan ang DOH na mag-isyu ng vaccination cards sa lahat ng bakunado. Ang DICT, sa pakikipagkoordinasyon sa DILG at DOH, ay inatasan ding bumuo ng digital process na magsesertipika na ang isang tao ay binakunahan sa bansa.