NEWS

DILG: Mahigit sa 26,872 contact tracers nadestino na sa mga LGU

October 12, 2020

Iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na higit sa 26,872 contact tracers na ang kanilang tinanggap at ipinadala na sa iba’t ibang local government unit (LGU) sa buong bansa.

Kinumpirma ito ni DILG Secretary Eduardo M. Año at sinabing lahat ng mga provincial at city offices ay nagpoproseso ng mga application upang matiyak na 50,000 CT ay maeempleyo sa lahat ng lalawigan sa bansa bilang panlaban sa pagkalat ng COVID-19 ayon sa itinakda ng Bayanihan To Heal As One Act.

“Bago pa mapirmahan ang Bayanihan 2 Law, naghanda na ang mga DILG field office sa paghahanap, pagtanggap at training ng mga bagong CT. At ngayon, ilang linggo pagkapirma sa batas, higit sa 26,000 na ang natanggap at nadestino na sa iba’t ibang probinsiya,” ani Año.

“Kumpiyansa akong masusundan namin ang schedule ng pagpapadala ng 50,000 CT bago matapos ang buwan,” dagdag niya.

Ayon sa kanya, may 12,197 aplikante ang pumasa sa mga requirements ng posisyon at kasalukuyang inihahanda sa pagtatrabaho. “Bagaman matindi ang pangangailangan ng ating pamahalaan sa mga CT ay tinitiyak namin na ang lahat ng maha-hire ay qualified sa posisyon at nagpahayag ng commitment sa pinapasok nilang responsibilidad."

Ayon sa pinakabagong datos ng DILG, 45% o 12,421 ng mga target CTs na idedestino sa Luzon ay natanggap na; 69% o 6,234 sa Visayas; at 62% o 8,217 sa Mindanao kasama na ang BARMM.

Samantala, pinasalamatan ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya ang lahat ng nag-apply dahil aktibo silang lalaban sa COVID-19. Bilang mga CT, sila ay naging mga frontliner at kinikilalang “bayani ng new normal” sa harap ng patuloy na public health emergency, aniya.

Noon pa mang Oktubre 9, 2020, 62,112 application na ang natanggap ng mga DILG field offices at "to ay nagpapakita na maraming Pilipino ang nagnanais tumulong sa pamahalaang labanan ang kaaway na di nakikita.”

“Maraming salamat po sa lahat ng ating mga kababayan sa buong bansa na nagpahayag ng kanilang kagustuhang magsilbi sa bayan ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng pag-aapply bilang CTs. Utang na loob namin ang inyong paglilingkod,” ani Malaya.

Tiniyak niya sa 50,000 CT na bilang frontliner, sila ay bibigyan ng lahat ng mga kagamitan tulad ng personal protective equipment, medical supplies at iba pang kakailanganin nila sa kanilang pagtatrabaho.

Kasama sa kanilang mga reponsibilidad ay ang pagpapanayam, profiling at pagsasagawa ng initial public health risk assessment ng mga kaso ng COVID-19 at ng kanilang mga nakasalamuha; i-refer ang mga close contact sa mga isolation facilities; paigtingin ang contact tracing kasama ng ibang ahensiya at pribadong sector; magsagawa ng daily monitoring ng mga close at general contact sa loob ng 14 araw; at iba pang mga gawaing kaugnay sa pagtugon sa COVID-19.

Ayon sa mga guidelines ng DILG, ang mga CT ay tatanggap ng mula P18,784 kada buwan sa ilalim ng contract of service status. Ang mga CT ay mabibilang sa mga Contact Tracing Teams sa pangunguna ng mga municipal at city health officer. Kasapi sa mga Contact Tracing Teams ang mga miyembro ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTS), at mga volunteers mula sa mga civil society organizations.