NEWS

DILG: Higit sa kalahati ng mga pamahalaang lokal sa Manila Bay watershed bigo sa pagsunod sa mga batas pangkalikasan, 16 prayoridad sa pagbibigay ng tulong

February 14, 2019

Siyamnapu't-limang pamahalaang lokal o 53 porsyento ng 178 pamahalaang lokal sa Metro Manila, Rehiyon III at IV-A sa loob ng Manila Bay Watershed Area ang bigong sumunod sa mga batas pangkalikasan ayon sa pagsusuring isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo Año na batay sa 2018 Regional Inter-Agency Committee table assessments at on-site inspections, ang mga pamahalaang lokal na ito ay hindi pumasa sa pagsukat sa kanilang pagtupad sa mga batas pangkalikasan at 16 sa kanila na may pinakamalalang problema ang bibigyang prayoridad ng Kagawaran.

"Batay sa aming pagsusuri, marami pa tayong kailangang gawin, at layon naming simulan ito sa 16 na pamahalaang lokal na ito patungo sa iba pang pamahalaang lokal sa loob ng Manila Bay watershed. Tutulungan namin sila, hindi namin sila pababayaan," ani Año.

Sa 95 pamahalaang lokal na hindi pumasa sa pagsusuri, 56 ay mula sa Gitnang Luzon; 37 mula sa Calabarzon; at dalawa mula sa National Capital Region (NCR).

"Maraming pagkukulang na nagdulot ng dekadang problema sa Manila Bay. Ngunit hindi naman tayo narito para magturuan, tayo, sa pamamagitan ng kautusan mula sa ating Pangulo, ay narito para muling ibalik ang dating ganda ng Manila Bay at inaasahan nating gagawin ng mga pamahalaang lokal ang kanilang bahagi," paliwanag niya.

Ngunit pinaalalahan din ng DILG Secretary ang mga pamahalaang lokal na hindi makikipagtulungan sa mga hakbangin ng DILG sa rehabilitasyon ng Manila Bay. "Maaari din kaming magsampa ng kaso laban sa kanila sa Ombudsman o magmungkahi ng disciplinary action sa Pangulo kung kinakailangan. Kaya naman hinahamon namin ang mga pamahalaang lokal na tumindig at makiisa sa Battle of Manila Bay," aniya.

Ang resulta ng LGU Compliance Assessment ay ibinahagi sa mga pamahalaang lokal sa isang forum ng mga pinuno ng pamahalaang lokal ukol sa rehabilitasyon ng Manila Bay na ginanap kamakailan.

Ang nasabing pagsusuri ay naglalayong sukatin ang pagtalima ng mga pamahalaang lokal sa mga batas pangkalikasan; ilatag ang mga tulong na maaaring ipagkaloob sa kanila; at papanagutin sila batay sa kanilang pagtupad o hindi pagtupad ayon sa kanilang mandato.

Sinabi ni Año na depende sa pagsusuri ang pagtulong na maaaring maipagkaloob ng DILG tulad ng capacity development, workshops, coaching, mentoring, bukod sa iba pa, upang tiyakin na matupad ng mga pamahalaang lokal ang kanilang mandato.

"Kung ang problema ng LGU ay ang paggawa ng drainage master plan para mas maging maayos ang kanilang liquid waste management, maaari tayong magsagawa ng capacity development program para sa kanila," aniya.

Ipinangako din ng Kagawaran ang paglalabas ng mga mahahalagang kautusan, inter-agency joint memoranda, consultations, at pagbababa ng pondo, bukod sa iba pa.

Ayon sa DILG Chief, maliban sa mga kasalukuyang hakbang nito upang tulungan ang mga pamahalaang lokal, ang Kagawaran ay bumuo din ng mga plano upang tugunan ang mga problema ng mga pamahalaang lokal sa Solid Waste Management; Liquid Waste Management; Informal Settlers Families (ISF); at Biodiversity Management.

Balak ding magtatag ng DILG Chief ang DILG Manila Bay Rehabilitation Task Force na bubuuin ng Law Enforcement and Security Task Group; Barangay Clean-up and Enforcement Task Group; Informal Settler Families Relocation Task Group; LGU Supervision and Capacity Development Task Group; at Inspection and Permit Issuance Task Group.

Tuluy-tuloy na pagsubaybay

Binigyang-diin din ni Año na tuluy-tuloy pa rin ang pagsubaybay at pagbabantay ng DILG sa pagsunod ng mga pamahalaang lokal sa iba't ibang batas pangkalikasan para sa paglilinis, rehabilitasyon, at pangangalaga ng Manila Bay.

Aniya, ang mga pamahalaang lokal ay susubaybayan sa pamamagitan ng LGU Compliance Assessment tool na susukat sa pagtugon ng mga ito sa Ecological Solid Waste Management Act, Clean Water Act, Urban Development and Housing Act, Water Code, at iba pang batas pangkalikasan.

Ipinaliwanag ni Año na sa pamamagitan ng LGU Compliance Assessment tool, tutukuyin ng DILG kung aling pamahalaang lokal ang lumabag sa batas pangkalikasan at kung sino ang sumusunod sa mga ito.

No ECC, No business

Sa nasabi ding forum, hinikayat ni Año ang mga pamahalaang lokal na magpasa ng mga ordinansa na magbabawal sa mga negosyong magbukas kung wala ang mga ito ng Environmental Compliance Certificate (ECC).

“Kailangan ninyong maging consistent na kapag walang ECC, hindi na makakatuloy ang business. At kapag mayroong mga paglabag, kailangan silang pagmultahin,” aniya.

Pinuna din niya ang mga kritiko ng nasabing rehabilitasyon at ipinahayag na "ang mga kalaban ng pamahalaan ay laging may mga opinyon sa mga hakbangin ng administrasyon" kaya naman hinikayat niya ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan na ituon na lamang nila ang atensyon sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

“Ang masama ay iyong mga detractors natin ay wala namang ginawa nung sila ang nakaupo. Sana tumulong na lang sila,” pahayag ng Kalihim.