NEWS

DILG: 154 BFP firefighter-nurses tumutulong sa 27 ospital sa buong bansa

October 1, 2021

Bago pa man ang direktiba ng Pangulo para sa pagtatalaga ng mga unipormadong nars sa mga ospital, nauna nang inatasan ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang 154 firefighter-nurses ng Bureau of Fire Protection (BFP) na tumulong sa 27 pribadong ospital sa buong bansa na may kakulangan sa mga tauhan dahil sa mga na-Impeksyong health care workers.

Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na sa ilalim ng BFP Nurse Deployment Program, 27 pribadong ospital ang ngayon ay nakikinabang sa serbisyo at tulong ng mga BFP firefighter-nurses habang may pito (7) pang ospital ang humihingi rin ng tulong kasunod ng direktiba ni Secretary Año.

"Ibig naming siguruhin sa Pangulo na makakaasa siya sa BFP upang madagdagan ang mga ospital na may kakulangan sa tauhan. Sa kabila ng kasalukuyang pagpapadala ng mga BFP firefighter-nurses, mayroon pa tayong 14 na natitirang mga lisensyadong nurse na maaari ring i-deploy,” sabi nito.

Sa 154 BFP nurses na ipinakalat sa buong bansa, 14 ay kasalukuyang nasa Tuguegarao City People’s General Hospital sa Cagayan Valley; 19 sa Adventist Hospital sa MIMAROPA; lima sa Legazpi City COVID-19 Center sa Bicol Region; 40 sa Metro Iloilo Hospital and Medical Center Inc.; 20 sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa Western Visayas; 19 sa Remedios Trinidad Romualdez Hospital sa Eastern Visayas; 10 sa South Philippine Medical Center; at ang siyam ay nasa Davao Oriental Provincial Hospital sa Davao Region.

Sa National Capital Region (NCR), may kabuuang 18 BFP firefighter-nurses ang naka-deploy mula Agosto 31, 2021. Sa 18 nurses na ipinakalat, anim ay vaccinators sa Muntinlupa City Health Office, anim ay vaccinators sa Las Piñas City Health Office, at ang anim ay mga nurses sa Medical Center Muntinlupa.

Sinabi ni Malaya na ayon sa deployment program, ang BFP ay makikipag-ugnayan sa mga naturang ospital tungkol sa mga pangangalaingan ng mga naka-deploy na nars, gayundin sa mga administratibong usapin katulad ng hazard pay at iba pang benepisyo ng mga nars sa ilalim ng umiiral na panuntunan ng pamahalaan. Bukod pa dito, ang BFP ang magbibigay ng masasakyan ng mga firefighter nurse mula sa point of origin patungo sa designated receiving hospital.

"Sa pagiging high risk situation sa hospitals, ibig din naming makasiguro na ang mga BFP firefighter-nurse na pinadala sa mga ospital ay ligtas at binibigyan ng kaukulang proteksyon,” sabi pa nito.

Inaasahan ni Malaya na ang mga naka-deploy na mga firefighter-nurse ay mababakunahan at mayroong COVID-19 RT-PCR (Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction) tests mula sa bago, habang at pagkatapos ng deployment.

Bibigyan din sila ng medical assistance kasama ang admission sa ospital kung sakaling sila ay ma-infect ng Covid-19 habang nasa deployment program kung kinakailangan. Ang Department of Health (DOH) ang magbibigay na mga Personal Protective Equipment (PPE) para magamit ng mga firefighter-nurse na naka-deploy matapos hilingin ng mga nasabing ospital.