NEWS

ADVISORY

DILG: 112 lugar isinailalim sa localized lockdown ng mga LGUs

June 26, 2020

Sinabi ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroong 112 na lugar sa buong bansa ang isinailalim ng kanilang mga Local Government Units (LGUs) sa localized o granular lockdown na nagpapakita na ipinapatupad ng mga LGUs ang LGU-led zoning containment strategy ng National Task Force Against Covid-19.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Ano ang localized lockdown ang pinakamabisang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19 at target nito ang mga lugar kung saan ang concentrated ang mga kaso, positive man o suspected. Sinabi nito na ang 112 locally quarantined areas sa bansa hanggang nitong June 21 ay patunay na sa tamang pagpapatupad, mapapahinto ang pagkalat ng coronavirus sa community level.

"Sa localized lockdown, parang inaasinta natin ang ang Covid-19 kugn saan siya nagmumula at napatunayan itong epektibo lalong-lalo na sa 112 lugar kung saan ito ay ipinatutupad. Mabisa talaga ito dahil hinihiwalay natin ang hot zone areas sa ibang lugar sa komunidad upang mapigilan ang paghahahawaan," sabi ni Ano.

Nagpalabas kamakailan lamang ang National Task Force Against Covid-19 na pinamumunuan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ng Operational Guidelines tungkol sa zoning strategy upang ipatupad ang National Action Plan Against Covid-19.

Ayon naman kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, sa 112 na lugar na isinailalim sa localized lockdown, 67 ay nasa Cordillera Autonomous Region, 18 sa National Capital Region, 19 sa Cebu City, tig-iisa sa Cavite City, Quezon Province, Leyte at 5 sa Cagayan de Oro City.

Sa 67 lugar sa CAR na naka- localized lockdown, 7 ang munisipyo, 51 barangays,1 purok, 1 subdivision, 2 buildings at 5 zona sa mga lalawigan ng Mt. Province, Province of Apayao, Kalinga, Ifugao, Abra, Benguet at Baguio City.

Sinabi ni Malaya na ang desisyon ng mga LGUs na ilagay ang kanilang barangay sa localized lockdown ay "nakatulong sa mababang datos ng positive cases sa CAR." Habang isinusulat ito, ang CAR ay mayroong 109 confirmed Covid-19 cases, 62 dito ay active habang 47 ay recovered cases. Mayroon itong 1.8% case fatality rate.

Samantala, ang Covid-19 hotspots katulad ng NCR at Cebu City ay mayroong 18 at 19 lugar na isinailailalim sa localized lockdown.

Sa NCR, ang Quezon city ay may 4 na lugar na nasa localized quarantine, 9 sa Paranaque City, 2 sa Caloocan City, tig-iisa sa Muntinlupa City, Navotas City, at Malabon City.

Mayroon ding 19 containment zones sa Cebu city kasama ang Sambag II, Punta Prinsesa, Tejero at Inayawan. Samatalay, ang mga sumusunod na barangay sa lungsod ay tinukoy na hotspots at nasa ilalim ngayon ng mahigpit na lockdown: Sambag II; Kamputhaw; Sambag 1; Basak San Nicola; Mabolo; Guadalupe; Lahug; Duljo Fatima; Tinago; Tisa; Ermita; at Tejero.

Ayon kay Malaya, nang magsimula ang GCQ/MGCQ, zoning containment na ang istratehiyang ipinapatupad ng pamahalaan dahil ang mga kaso ng Covid-19 ay nakakumpol sa mga bayan at pamayanan, kaya ang malawakang containment operations at interventions ay hindi na feasible, efficient at cost-effective.

"Dahil dito, nakita ng NTF ang pangangailangang ipatupad ang LGU-led containment strategy kung saan mas tumpak ang pagmomonitor ng LGUs ng pandemya at maisasagawa nila ang calibrated response base sa mga kondisyon sa kanilang lugar para maaksyunan nila ang "outbreak trajectory," dagdag nito.

Sinabi pa ng DILG Spokesperson na ang mga LGUs, na may pahintulot ng regional IATF, ay hinihikayat na isailalim ang mga lugar, kalsada, purok, barangay o buong syudad o munisipyo sa localized lockdown, kung ang numero at datos ay patungo na sa ganoong direksyon. "Dapat gawin ng mga LGUs ang lahat ng hakbang para sa kaligtasan ng kanilang mamamayan kasama na ang localized lockdown."

Samantala, pinaalalahanan ang LGUs na nagpapatupad ng localized lockdown na mayroon dapat silang organisadong Quick Response Team (QRT) na siyang mag-test-trace-treat strategy laban sa Covid-19. "Mahirap din namang basta-basta lang tayong magdeclare ng localized lockdown na walang sistema sa lugar."

Sinabi pa nito na ang QRT ay dapat organisado kasama ang Health Promotion and Prevention Team (para sa syndromic surveillance): Disinfection Teams: Swabbing Teams: Contact Tracing Teams: Medical Evaluation Teams: Law and Order Teams: Barangay Health and Emergency Response Teams (BHERT) at Social Amelioration/Support Teams. Ang mga ito ay dapat nagrereport sa Municipal/City Level Emergency Operations Center (EOC).