NEWS

ADVISORY

Año nanindigan sa mungkahing buhayin ang Anti-Subversion Law upang wakasan ang Communist insurgency

August 15, 2019

Nanindigan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año sa kanyang mungkahi na buhayin ang Anti-Subversion Law at binigyang-diin na ang Communist Party of the Philippines (CPP), ang armado nitong grupo na New People’s Army (NPA) at mga front organization nito, sa loob ng 50 taon, ay patuloy sa pag-organisa ng armed conspiracy upang patumbahin ang pamahalaan hindi lamang sa pamamagitan ng puwersa o karahasan kundi maging sa pamamagitan ng panlilinlang, propaganda, at iba pang iligal na pamamaraan.

Ipinahayag ng DILG Chief na panahon na upang wakasan ang salungatan na patuloy na nagpapabagsak sa ating bansa at pumatay sa higit sa 100,000 pulis, sundalo, pinuno ng pamahalaan, at inosenteng mga sibilyan. "Ang Anti-Subversion Act ay agaran, kritikal, at nararapat na maipasa kung talagang nais nating tuldukan ang sumpang ito ng ating lipunan," dagdag niya.

"Nais naming bigyang-diin na ang aming mungkahi na buhayin ang Anti-Subversion Law ay para lamang sa mga kasapi ng CPP-NPA-NDF at lahat ng pangkat na tahasang sumusuporta rito. Sasaklaw lamang ito sa mga Komunista na aktibong kumikilos upang pabagsakin ang pamahalaan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, at hindi ang mga lehitimo o pulitikal na pagtutol, o mga kaparehas na grupo," paliwanag niya.

"Handa kaming makipagtulungan sa Kongreso sa pagbalangkas sa batas na tutugon sa mga pangangailangan ng kasalukuyang panahon at upang tiyakin na mapangangalagaan ang ating kalayaan sa pakikipag-ugnayan at malayang pamamahayag na ipinagkaloob sa atin ng ating Konstitusyon,"aniya.

Sinabi niya na kung ating babalikan, ang pagpapawalang-bisa sa Anti-Subversion Law noong 1992 ay maaaring isang pagkakamali sapagkat nagkaroon ng momentum ang Komunistang grupo sa maraming mga lugar at naging mas matapang ito bunga na din ng pagsuporta ng mga legal front organization sa mga urban area kung saan nila nililikom ang kanilang pondo, logistics, mga bagong miyembro, at iba pa.

"Ang pagpapawalang-bisa sa Anti-Subversion Law ay isang kahilingan ng CPP-NPA-NDF para maganap ang peace talks noong 1990s. Buong pananalig itong pinagbigyan ng pamahalaan alang-alang sa kapayapaan. Ngunit sa halip na ibaba ang kanilang mga armas at bumalik sa mapayapang lipunan, mas naging matapang ang mga Komunistang ito at ginamit ang democratic space na ipinagkaloob sa kanila upang mag-regroup, mag-organisa at mag-mobilize," paliwanag niya.

Sinabi ng DILG Chief na mula nang binawi ang Anti-Subversion Law, patuloy na tinatanggihan ng mga Komunista ang tawag ng pamahalaan tungo sa tunay na kapayapaan sa loob ng 50 taon at sa halip ay naghasik ng terorismo sa bansa.

Sinabi niya na ang Konstitusyon ng CPP --- na maaaring makita sa internet - ay tahasang nagsasaad na ang layon nito ay pataubin ang ating demokratiko, at sistemang pang-republika sa pamamagitan ng “rebolusyunaryong armadong pakikibaka at national united front.” Ang programa nito ay nagdedeklara na ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagbuo ng guerilla front na "papalibot sa mga lungsod mula sa mga probinsya... hanggang sa maging posible na agawin ang kapangyarihan sa mga lungsod."

"Hindi maitatanggi ng kahit na sinuman na ang patuloy na pag-iral at iligal na mga gawain ng CPP-NPA-NDF ay nangangahulugan ng malinaw, pangkasalukuyan at matinding panganib para sa seguridad ng Pilipinas," aniya.

"Kung ating ibabalik ang Anti-Subversion Law, matitibag natin ang mga urban mass movement sa mga lungsod na nagtutustos sa mga armadong pakikibaka sa mga bulubundukin. Matutuldukan natin ang tinatawag nilang 'legal front organizations' na sumusuporta sa mga underground mass organizations. Magiging simula ito ng kanilang 'di maiiwasang katapusan," paliwanag niya.

Binanggit niya ang patuloy na aktibong recruitment ng higit sa 500-1,000 na mga kabataan taun-taon ng legal Communist front organizations sa mga paaralan at unibersidad kung saan 50-100 ang nagiging armadong kasapi ng NPA.

Sinabi ni Año na lahat ng mga organisasyon na nagbibigay ng suporta sa CPP-NPA-NDF ay kailangang ideklarang iligal at ang pagiging miyembro ng mga organisasyon na ito ay kailangang maging isang krimen.

Bilang tugon sa mga pagpuna na mayroon ng sapat na mga batas na kailangan na lang ipatupad, sinabi niya na "ang ating mga kasalukuyang batas, ang Revised Penal Code, at special penal laws ay pinaparusahan lamang ang indibidwal na krimen ng mga komunistang teroristang grupo habang ang pagbabalik ng Anti-Subversion Law ay magdedeklarang iligal, maging ang pag-recruit o pagiging kasapi ng mga iligal na organisasyon na ito. May mga pagkukulang din ang Human Security Act."

Idinagdag niya na ang pagbabalik ng Anti-Subversion Law ay lubhang mahalaga upang maisakatuparan ang mandato ng Executive Order (EO) No. 70 s 2018 na lumikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at nagtatag ng 'whole-of-nation approach' upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.

Ang Anti-Subversion Act o Republic Act (RA) No. 1700 ay naipasa noong Hunyo 1957 sa panahon ni Pangulong Carlos P. Garcia. Idineklara nito ang CPP na iligal na 'organized conspiracy' na ang layon ay pabagsakin ang pamahalaan upang maitatag sa Pilipinas ang rehimeng totalitarian.

Sa panahon ng martial law, pinalawig ang RA 1700 sa pamamagitan ng Presidential Decree (PD) 885 noong 1976 at PD 1835 noong 1981. Sa pamamagitan ng mga kautusang ito ay naging subersibong krimen ang maiugnay sa isang grupo at dumalo sa pagpupulong o makibahagi sa anumang gawain na ang layon ay pabagsakin ang pamahalaan sa pamamagitan ng hayag o tagong tulong mula sa dayuhang kapangyarihan.

Samantala, sa panahon naman ni Pangulong Corazon Aquino, inilabas niya ang Executive Order No. 167, series of 1987 na bumabawi sa PD 1835 at 1975, at bumubuhay sa RA 1700. At noong 1992, nilagdaan ni Pangulong Fidel Ramos ang RA 7636 na nag-repeal sa RA 1700. Ang subersyon ay hindi na krimen, habang nanatiling krimen and sedisyon.

Iginiit ni Año na sa United States, ang kanilang Communist Control Act of 1954 ay hindi binawi hanggang sa kasalukuyan. "Kaya imposible para sa mga subersibong organisasyon na umunlad sa United States. Kaya muli, ang pagdurog sa komunismo ay hindi nangangailangan ng puwersang militar kundi ng kamay ng batas," aniya.