NEWS

ADVISORY

Año: Road clearing operation ipatutupad sa lahat; walang konsiderasyong pulitikal

August 16, 2019

Ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na walang pulitikal na konsiderasyon sa hakbang na pagpapaluwag at paglilinis ng mga kalsada, na ito ay mahigpit na ipatutupad sa lahat ng pamahalaang lokal, maging sa mga pribado o pampamahalaang gusali.

Sa kanyang pangunguna ngayong araw sa demolisyon ng isang barangay hall at police traffic station sa Quezon City, sinabi ni Año na ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbawi sa mga pampublikong kalsada ay makatutulong sa pagpapabuti ng daloy ng trapiko sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa.

"Ginagawa lang natin ang dapat sapagkat ang batas ay nilikha para ito ay ipatupad para sa ikabubuti ng pamumuhay ng mga tao. Wala po itong intensyon, motibo o halong anumang pulitika. Ito po ay para sa bayan," pahayag ni Año.

"Itutuloy po natin ito hanggang mapagtagumpayan natin hindi lamang dito sa Metro Manila kundi maging sa buong bansa," dagdag niya.

Kasama si Quezon City Mayor Joy Belmonte at iba pang pinuno ng pamahalaan, pinangunahan ni Año ang demolisyon ng barangay hall ng Damayang Lagi, at Traffic Sector 1, DTEU Station ng Philippine National Police (PNP).

“Wala po tayong sinasanto dito. Lahat ng gusali ng pamahalaan na lumabag sa kautusan ng Pangulo ay hindi makakaligtas," aniya.

Ipinagkaloob din ng DILG Chief at ni Mayor Belmonte sa mga pinuno ng Damayang Lagi ang pansamantalang magiging barangay hall para sa patuloy na pagbibigay ng serbisyo publiko sa pamayanan.

Sinabi ni Año na siya ay natutuwa na ang mga mayor ng Metro Manila ay nakikiisa at nagtatrabaho upang masunod ang utos ng Pangulo. Hangad niya na ang lahat ng pinuno ng pamahalaang lokal sa Pilipinas ay makikita ang mga malalaking pagbabago sa Metro Manila bilang inspirasyon para sa kanilang mga nasasakupan.

"Hindi natin ito nais na matapos lang sa Metro Manila. Binanggit na natin ito noon, ang kautusan ng Pangulo ay sumasaklaw sa buong bansa. Sana ay ma-inspire sila sa mga pagbabagong nangyayari dito sa Maynila," paliwanag niya.

"Nakakatuwa na wala pa tayo sa kalahati ng ating 60-day countdown ay marami nang nagagawa ang ating mga Metro Manila Mayor," dagdag pa niya.

Ang nasabing countdown ay nagsimula noong Hulyo 29, 2019 kasabay ng paglalabas ng DILG Memorandum Circular 2019-121 na nag-uutos sa mga pinuno ng pamahalaang lokal na "gamitin ang kinakailangang kapangyarihan upang bawiin ang mga pampublikong kalsada na ginagamit sa pambribadong pamamaraan."

Binanggit ng DILG Secretary na ang suliranin sa trapiko sa Metro Manila ay naging isa nang paulit-ulit na isyu sa bansa na nagdulot ng bilyong pisong pagkalugi sa ekonomiya, at panahon na upang harapin ito ng pamahalaan. "Mapalad tayo sapagkat tayo ay may Pangulong may malakas na political will para ipatupad ang mga kinakailangang reporma sa ating bansa. Kaya dapat natin itong samantalahin."