NEWS

ADVISORY

Muling pagbukas ng Boracay sa Oktubre 26 tuloy na, isla magiging standard ng mga resort sa Pilipinas - DILG

October 22, 2018

Matapos ang inspeksyon sa Boracay, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na gusto nilang gawing pamantayan ang pamosong isla ng lahat ng mga resorts sa Pilipinas.

Sinabi ni DILG OIC Secretary Eduardo M. Año na bagama’t maaari na muling bumisita ang mga lokal at banyagang turista sa Boracay sa pagbubukas nito sa Oktubre 26, aabutin pa ng dalawang (2) taon para makumpleto ang rehabilitasyon ng isla.

“Marami pang mga batas at ordinansa ang ipapatupad sa Boracay sa ilalim ng pamamahala ng DILG para makasiguro na hindi na mangyayari ang naganap dati dito,” sabi ni Año.

Sinabi pa nito na ang mga problema sa paglabag sa batas kalikasan sa Boracay ay naayos na sa loob ng anim (6) buwan na rehabilitasyon dito.

Binuo ni Pangulong Duterte ang Boracay Interagency Task Force na kinabibilangan ng DILG, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Tourism (DOT) upang ipatupad ang mga patakaran para isalba ang Boracay.

“Napakasariwa at maayos ang palakad sa Boracay ngayon, pero marami pa rin tayong dapat gawin sa loob ng dalawang (2) taon,” sabi ni Año.

Ayon sa DILG Chief, 18 lokal na opisyal ang sinampahan ng kasong administratibo dahil sa hindi maayos na pamamalakad sa isla. Sa naturang bilang, 17 opisyal ang sinampahan ng kasong administratibo dahil sa kapabayaan at conduct prejudicial to the best interest of service habang ang isa naman ay kinasuhan ng grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Mga masunuring kumpanya lang ang maaaring magnegosyo

Ipinaliwanag ni Ano na sa soft reopening sa katapusan ng buwan ng Oktubre, tanging mga establisimyento na mayroong gumaganang sewerage treatment plants (STPs) ang papayagang mag-operate.

Matatandaang nagpalabas ng direktiba ang Boracay Inter-agency Task Force sa mga residente at establisimyento na magpagawa at gamitin ang mga STPs sa pamamagitan ng clustering o hiwalay na treatment plants upang maging malinis at ligtas ang karagatan ng Boracay mula sa wastewater.

Dagdag pa ng DILG, tanging mga establisimyento na may accreditation mula sa Department of Tourism at inaprubahan ng Boracay Interagency Task Force dahil sa pagsunod sa lokal at environmental laws tulad ng Environmental Compliance Certificate o Certificate of Non-Coverage ang maaaring magbukas sa Oktubre 26.

Ang “no floating structure” ban sa loob ng tatlong kilometro mula sa baybaying dagat ay ipinatutupad pa rin sa Boracay.

Iba pang mga beaches iinspeksyunin din

Sinabi ni Año na magsasagawa rin ng inspeksyon sa lahat ng resorts sa buong bansa ang DILG at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ituturing ang Boracay bilang national standard.

“Magsasagawa kami ng inspeksyon sa iba pang resorts sa bansa para makasiguro na ang mga naturang tourist destination ay sumusunod sa mga batas kalikasan,” sabi pa nito.

“Ang lahat na mapapatunayang nagpabaya at hindi tumalima sa environmental compliance ay mananagot tulad ng ginawa namin sa Boracay,” dagdag pa nito.