NEWS

ADVISORY

Matatag na otonomiya ng Cordillera at ancestral domain kabilang sa pederalismo at panukalang pagbabago ng konstitusyon - DILG

June 25, 2018

Magiging mas matatag ang otonomiya sa Cordillera at magkakaroon ng mahusay na mga polisiya ukol sa lupaing nununo (ancestral domain) sa sandaling maisailalim ang bansa sa pederalismo, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Ang pederalismo ay pagpapalakas sa mga rehiyon at ito ay magbibigay ng kaukulang antas ng otonomiya hindi lamang sa Cordillera kundi maging sa ibang rehiyon sa Pilipinas,” saad ni DILG Assistant Secretary for Communication and Public Affairs Jonathan E. Malaya.

Inihayag ni Malaya, mas mabuting dumalo sa Pederalismo serye ng town hall meeting kasama ang pangunahing sektor, pakikipag-talakayan ng Consultative Committee (ConCom) at Federalism convention/rally sa isasagawang roadshow ng pamahalaang nasyonal sa Baguio City sa Martes, Hunyo 26, 2018.

“Tatalakayin ang magiging kinabukasan ng Cordillera sa pakikipag-dayalogo sa pagitan ng DILG at multi-sectoral groups. Kaya lahat tayo ay lumahok sa roadshow upang mabatid ninyo kung ano ang magiging porma ng otonomiya ang idudulot ng pagbabago ng konstitusyon sa Cordillera,” ani Malaya.

Siniguro ni Malaya na ang isasagawang dayalogo at kumbensyon ay magbibigay kalinawagan sa pag-aakala na mawawala na sa ilalim ng pederalismo ang kasalukuyang provision ng konstitusyon na nagtatakda sa sistema ng pamamahala sa Cordillera region.

Ang Pederalismo serye town hall meeting kabilang ang mga pangunahing sektor ay isang dayologo sa pagitan ng stakeholders, samantalang ang Federalism rally ay isang paraan upang kolektibong maipakita ang suporta sa pederalismo.

Batay sa Section 15 ng 1987 Constitution, itinatakda ang pagbuo ng autonomous regions para sa minoryang grupo sa Cordillera at Muslim Mindanao.

Samantala, umapela ang mga lokal na opisyal ng Cordillera sa kongreso na bigyan ng paglilinaw ang sinasabing constitutional provision hinggil sa otonomiya ng Cordillera.

“Ito dahilan kaya ang DILG ay nakikipagtalakayan sa rehiyon. Kailangan nating malaman ang inyong alalahanin at maitama din ang maling pag-aakala sa pederalismo,” sabi ni Malaya.

Ang Pagbabago sa saligang batas ay isang kontrobersiyal na paksa na nagiging sanhi kaya ang mga kritiko nito ay naniniwala na gagamitin ng mga politiko ang kampanya para sa pansarili nilang agenda.

“Ang Pederalismo ay tungkol sa paghahati ng kapangyarihan at hindi nito sinasang-ayunan ang monopolya. Sa katunayan, ang Anti-Dynasty at electoral provisions ay hinihikayat ang mga tao na makiisa sa pagdaraos ng eleksyon,” saad ni Malaya.

Maliban sa pagtalakay sa otonomiya, ang aktibidad ng DILG ay nakatuon din sa usapin ng ancestral domain.

Ang iba pang paksa tulad ng edukasyon, sining, kultura at pagnenegosyo ay pag-uusapan din sa gagawing town hall meeting ng roadshow.

Maliban kay Malaya, magsasalita din sa pulong sa town hall ang Political Analysts na si Ramon Casiple at Gary Olivar.

Kabilang din sa dadalo sa pulong si Baguio Mayor Mauricio Domogan, Benguet Province Governor Cresencio Pacalso at dating Bucloc Mayor Mailed Molina.

Matapos ang dayalogo, agad isasagawa ang federalism convention/rally na gaganapin sa University of Baguio Gymnasium.

Magsasagawa din ang Concom ng pakikipag-konsultasyon sa DILG roadshow upang kunin ang damdamin ng mga lokal na residente ng Baguio para sa panukalang federalism model.

Ang Concom ay naghahabol ng panahon upang maisapinal ang binabalangkas na model bago ang State of the Nation Address (SONA) ni President Rodrigo Duterte sa susunod na buwan.

Inaasahan ng bansa ang Presidente na ipepresinta nito ang modelo ng pederalismo sa kanyang SONA, pagkatapos nito ay susunod na ang deliberasyon sa kongreso.

Inilunsad ng DILG ang roadshow noong Hunyo 18, 2018 sa Dumaguete na umani ng napakalaking pagsuporta mula sa Negrenses.

Tinatayang 6,000 hanggang 8,000 tao at isang motorcade mula sa iba’t-ibang bahagi ng Negros ang pumunta sa Dumaguete para sa Negros rally na higit sa inaasahang 5,000 tagasuporta ng pederalismo ang nakiisa.

“Kami rin ay umaasa na makukuha din namin ang puso ng mga mamamayan ng Cordillera kapag naipaliwanag na naming ang pederalismo sa kanila. Inaasahan namin ang pagbisita sa napakagandang City of Pines,” paliwanag ni Malaya.