NEWS

ADVISORY

Laban sa korapsyon dinala sa mga lokal na pamahalaan, Bantay Korapsyon inilunsad

October 10, 2018

Upang matugunan ang kautusan ni President Rodrigo Duterte na alisin ang korapsyon sa gobyerno, dinala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kampanya laban sa korapsyon sa mga pamahalaang lokal kasabay ng paglulunsad ng programang “Bantay Korapsyon”.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na ang Bantay Korapsyon ay isang importanteng programa ng DILG na hinihikayat ang iba’t ibang grupo na makilahok sa kampanya laban sa korapsyon lalong-lalo na sa grassroots level.

"Walang korapsyon na dapat nangyayari sa national man o sa local level. Ang mga posisyon sa gobyerno ay hindi isang tropeo, kundi isang sagradong simbolo ng tiwala at responsibilidad na ibinigay ng mga mamamayan, at ito ay may kaakibat na mataas na pananagutan,” sabi ni Ano sa kanyang mensahe sa paglulunsad ng naturang programa sa Quezon City.

Sinabi ng DILG Chief na “public service is a public trust” kung kaya’t ang mga lokal na opisyal na nanumpa na magsisilbi para sa interes ng publiko at nagpapayaman sa kanilang panunungkulan ay dapat panagutin sa kanilang korapsyon.

Paliwanag ni Año, ang Bantay Korapsyon ay nag-uugat sa mga taong nakikilahok sa laban kontra korapsyon sa pamamagitan ng kanilang pagpapaabot ng kanilang reklamo o sumbong sa Hotline 8888, Presidential Complaint Center, kasama na rin ang mga walk-in complaints.

“Malaki ang gagampanang papel ng komunidad dito sa naturang programa. Ang kailangan namin ay impormasyon mula sa mga mamamayan para mapanagot ang mga naliligaw ng landas na mga lokal na opisyal,” sinabi pa nito.

Sabi pa ni Año, kapag ang reklamo o alegasyon ay “firm in substance and form”, ihahain ang kaukulang kaso pero kung hindi, ang DILG ay maaaring mangalap ng mga impormasyon sa pamamagitan ng fact-finding o kaya tawagin ang atensyon ng local chief executives.

Kung ang alegasyon ay mayroong corroborative evidence o statements, na kinalap mula sa fact-finding, tututukan ang kaso at dito na mangangailangan ng suporta ng ibang ahensya ng gobyerno.

"Dadalhin natin ang serbisyo sa tao at upang maisakatuparan ito, dapat ay alisin natin ang korapsyon. Wala tayong pipiliin, tulad nang ipinakita ng Pangulo nang sinibak niya ang ilang opisyal kahit na iyong mga malalapit sa kanya,” dagdag pa nito.

Ang programa ay mayroong three-pronged strategy para labanan ang korapsyon sa pamamagitan ng edukasyon o pagpapalago ng kamalayan tungkol sa korapsyon; pag-iwas sa mga pagkakataon na gumawa ng korapsyon; at pagpigil sa pamamagitan ng pagtaas ng tsansa na hulihin ang mga korap at gawaran ang mga magagandang gawi na makakamit sa tulong ng partnership at pagmomobilisa ng komunidad, at pagsasagawa ng “community-specific, LGU-nuanced, at DILG-focused development interventions.”

Binalaan niya ang mga lokal na opisyal na umiwas sa korapsyon dahil mayroon ng mga mekanismo at paraan para tawagan ng publiko ang pansin ang national government tungkol sa mga pang-aabuso na nangyayari sa kanilang bakuran.

“Sisiguruhin natin na mararamdaman ng mga local officials ang kanilang mahalagang pananagutan sa publiko,” dagdag pa niya.