NEWS

ADVISORY

Federalismo pabibilisin ang pag-unlad ng rehiyon ng Bicol - DILG

July 5, 2018

Inaasahan ng DILG na magiging mabilis ang pag-asenso ng Bicol Region sa sandaling maging federal ang sistema ng gobyerno sa bansa.

“Maraming likas na yaman at panturistang lugar ang Bicol. Kapag ang mga ito ay nalinang ng husto, mamamayagpag ang buong rehiyon, hindi lamang ang Legazpi at Naga,” sabi ni DILG Assistant Secretary for Communication and Public Affairs Jonathan E. Malaya.

Ayon kay Malaya, ang federalismo ang magbibigay sa Bicol region ng mas malakas na kapangyarihan at autonomiya upang umunlad ang ibang lugar dito bukod sa Legazpi at Naga bilang mga sentro ng kaunlaran.

“Hindi pantay-pantay ang pag-unlad sa Bikol dahil sa kaniyang heograpiya. Habang umuunlad ang Naga at Legazpi, napag-iiwanan ang ibang bayan,” aniya.

Sinabi pa nito na ang sektor ng kalakalan ay uunlad, kasabay ng maraming trabaho para sa mga tao.

Dahil sa karagdagang pondo at kapangyarihan ng rehiyon, maaari na ring payabungin ng pamahalaang lokal ang industriya ng turismo, lalong-lalo na sa pagpapatakbo ng Bicol International Airport sa Legazpi City.

Ang pagpapagawa ng terminal na sinimulan noong Enero 2015, ay laging naaantala at maaari sanang mapabilis kung ang rehiyon ay may kapangyarihan at pondo para sa madaliang pagtapos nito, ayon kay Malaya. Ang paliparan ay nakikinitang magpaparami sa mga turista sa rehiyon.

Ang pag-antala sa mga proyekto ay maaring mabawasan kung ang regional government ay may dagdag na kapangyarihan at pondo sa halip na mag-hintay pa sa aksyon ng pamahalaang nasyunal.

Mas maraming mapagkukunan para sa serbisyong panlipunan

Sa ilalim ng pederalismo, ang mga lokal na pamahalaan ay magkakaroon ng karagdagang kapangyarihan at pondo upang tutukan ang serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan at edukasyon.

Ang kakulangan sa mga pagamutan sa Camarines Sur at sa mga malalayong probinsiya ay matutugunan kapag federalismo na ang sistema dahil mapapabuti na ng mga pamahalaang lokal ang paghahatid ng serbiyong panglipunan.

“Hindi na kailangan pang bumiyahe ang mga Bikolano sa syudad para magpagamot,” dagdag pa ni Ano.

Ang halaga ng kuryente ay inaasahan ring bumaba sa ilalim ng federalismo dahil ang mga rehiyon ngayon ang nahihirapang kontrolin ang power allocation at ang halaga nito kahit napakayaman nito sa geothermal energy.

“Dahil ang Mayon Volcano ang pinagkukunan ng geothermal energy ng bansa, dapat ay umuunlad na ang Bicol subalit ang halaga ng kuryente sa mga lokalidad nito ay mas mataas pa sa Metro Manila,” sabi ng DILG Assistant Secretary.

Ang mga naturang isyu sa Bicol Region ay nakatakdang pag-usapan sa ikatlong roadshow ng DILG para sa for federalismo.

Iniimbitahan din ng DILG ang lahat ng rehiyon na makisali sa Pederalismoserye town hall meeting kasama ang mga iba’t ibang sector upang mapag-usapan ang mga plano ng pamahalaan para sa mga Bikolanos.

Pagkatapos ng town hall meeting, ang DILG ay magsasagawa ng ng isang convention / rally kung saan ang mga tao ay inaanyayahang dumalo.

Ang Legazpi ay ang pangatlong destinasyon ng DILG roadshow para sa federalismo.

Maliban kay Malaya, kasama ng DILG ang Executive Director of the Institute for Political and Electoral Reform (IPER) Ramon Casiple, dating Deputy Presidential Spokesperson Gary Olivar at dating gobernador Vicente Revil ng Masbate sa Pederalismoserye town hall meeting kasama ang iba’t ibang sektor.

Ang convention / rally naman ay dadaluhan ni DILG Assistant Secretary Marjorie Jalosjos, Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go, Concom Commissioners Edmund Tayao and Susan Ubalde-Ordinario, House of Representatives Renato Unico Jr. ng Bicol, Joey Salceda ng Albay at Luis Raymund F. Villafuerte Jr. ng Camarines Sur.

Naroon din sina Legazpi City Mayor Noel Rosal, Albay Governor Al Francis Bichara, at DILG Bicol Regional Director Elouisa T. Pastor, Ceso IV.

“Masaya kami sa dalawang nakalipas na roadshow sa Dumaguete at Baguio at inaasahan namin na ang Legazpi rin ay tatangapin ang pagbabagong isinusulong ng pamahalaan,” says Malaya.