NEWS

ADVISORY

Federalism roadshow ng DILG sisimulan na sa Hunyo 17

June 8, 2018

Upang hikayatin ang mga tao na lumahok sa pambansang talakayan para sa pagbabago ng saligang batas, ilulunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang una sa serye ng regional roadshow patungkol sa pederalismo na nakatakda sa Hunyo 17, 2018 na gaganapin sa Dumaguete City.

Mula sa tatlong araw na paglulunsad sa Dumaguete, magsasagawa ang DILG ng sabayang rally at pagsasanay sa lungsod ng Butuan at Legazpi sa Hunyo 21-23, at susunod sa Baguio at Tacloban sa Hunyo 25-27.

"Ang pederalismo ay tungkol sa pagbibigay kapangyarihan sa mga rehiyon. Itong roadshow ay paraan ng pagbibigay ng halaga sa rehiyon sa pamamagitan ng paglapit ng talakayan at konsultasyon sa kanila," saad ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya.

Isa sa bibigyang diin ng gagawing roadshow ay ang regional consultation na pangungunahan ng Consultative Committee (Concom), kung saan ilalahad ng komite ang kanilang inisyal na balangkas at mangangalap ng kuro-kuro mula sa rehiyon.

Minamadali na ng Concom na inatasang suriin ang 1987 Konstitusyon ang unang balangkas ng kanilang iminumungkahing modelo para sa pederalismo bago pa ang opisyal na pagsisimula ng roadshow.

"Magandang oportunidad ito para maisagawa ang interactive campaign sa rehiyon hinggil sa tunay na hangarin ng pederalismo. Sa oras na maipaabot sa mga tao ang benepisyo, kami sa DILG ay nakakasiguro na dadagsain ang suporta para dito," pahayag ni Malaya.

Bahagi din ng roadshow ang pagsasanay sa accredited civil society organizations, national at local government partners, kasapi ng regional project management team at kinatawan ng local government units.

Maliban sa inisyal na limang lugar, plano ng DILG na isagawa ang roadshow sa 17 rehiyon sa bansa upang makakalap ng suporta para sa pederalismo.

Makaraan ang pagsasagawa ng malawakang kampanya para pataasin ang kamalayan, ibabaling naman ng Departamento ang adbokasiya nito sa pagpapalakas ng information drive kung saan ibabahagi sa publiko ang detalye ng panukalang modelo na pederalismo.

Isusumite ng Concom ang iminumungkahing modelo ng pederalismo sa Pangulong Duterte bago ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 23, 2018.

Sa mismong araw ng SONA ay ibabahagi ng Presidente ang partikular na modelo na ng pederalismo sa publiko.

Nauna ng hiningi ni Malaya ang pang-unawa ng publiko at hiniling na isantabi muna ang komento hanggang sa sandaling maisapubliko na ng Concom ang batayan nito sa pagpili ng pederalismo.

Federalism forum

Bago ang roadshow, darating dito sa Pilipinas sa ikalawang pagkakataon ang mga eksperto mula sa ibang bansa para talakayin kung paanong ang ibang nasyon ay naging matagumpay sa pagpapalit sa sistemang pederal.

Ito ay ikalawa sa serye ng maraming forums hinggil sa ibat ibang aspeto ng pederalismo na magkatuwang na isasagawa ng DILG at Forum of Federations.

Ang unang forum na ginawa noong nakaraang buwan ay nakasentro sa intergovernmental relations o komunikasyon sa pagitan ng ibat ibang antas ng pamahalaan. Itong paparating na talakayan ay nakatuon naman sa 'transition' o pagbabago.

"Bilang Departamento na nangangasiwa sa adbokasiya ng pederalismo, tutulong ang DILG sa pagpapalaganap ng kaalaman kung paano isasagawa ang 'transition stage,' saad ni Malaya.

Kabilang sa mga paksang tatalakayin ang political processes, features, practices at mga hamon ng desentralisasyon.