NEWS

Eksperto sa pederalismo darating sa Pilipinas, "best practices" ibabahagi

May 10, 2018

Kasunod ng anunsyo para sa malawakang advocacy campaign sa pederalismo, pangungunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-Center for Federalism and Constitutional Reform ang dalawang araw na joint forum ukol sa intergovernmental relations (IGR) sa ilalim ng pederalismo kasama ang iba't ibang pamamaraan ng mga bansang pederal na maaaring pakinabangan ng Pilipinas.

Ang nasabing forum na may temang “Multi-level Systems of Government – Structural Features and Intergovernmental Relations” ay isasagawa sa pakikipagtulungan ng Forum of Federations and the Asia Foundation sa Mayo 11-12, 2018.

"Kailangang linawin ang mga pangunahing prinsipyo sa likod ng IGR at ang papel nito sa ilalim ng isang decentralized government sapagkat lubhang napakahalaga nito sa pagtatatag ng isang mahusay na sistema ng pamamahala," ani DILG Spokesperson Jonathan Malaya.

Ang IGR ay network ng mga institusyon na nakikipag-ugnayan sa isa't-isa sa pambansa, panglalawigan at lokal na antas. Kaagapay ito ng mga sangay ng pamahalaan upang maayos na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa pamamagitan ng institutional arrangements.

Tatalakayin din ang iba't-ibang paraan nang pagsasagawa ng IGR at pederalismo gayundin ang aplikasyon at maaaring maging implikasyon nito sa bansa; pamamaraan ng multi-level governance; at kapakinabangan ng mga probinsiya sa isang desentralisadong pamahalaan.

Kabilang din ang mga interjurisdictional issue at mga hamong kinakaharap ng nasyunal at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng Local Government Code (LGC) at ilang reporma sa mga pag-uusapan.

Ilan sa mga international speaker sina Forum of Federations President at CEO Rupak Chattopadhyay; dating Secretary of the Inter State Council Secretariat, Ministry of Home Affairs Government of India (India’s peak intergovernmental agency) Ravi Dhingra; at senior advocate at constitutional legal advisor sa Presidente ng Nepal Dr. Surya Dhungel.

Kasama din sina External Expert Panel sa devolution ng Scottish Parliament member Dr Sandra Leon; Curtin University Law School Professor Bertus De Villiers; at University of the Western Cape’s Dullah Omar Institute Jaap de Visser (LLB, LLM, PhD).

Samantala, katuwang ang mga stakeholder, ilulunsad din ng DILG ang federalism roadshow sa susunod na buwan na naglalayong itaguyod at isagawa ang malawakang information drive ukol sa pederalismo.

“Ang pagnanais ng taong bayan na maisulong ang pagbabago ang magiging susi ng kampanyang ito. Panahon na rin upang talakayin ang mga agam-agam ng mga maaapektuhan nitong reporma sa pamahalaan,” pahayag ni Malaya.

Inaasahang aabutin nang isang daang lokal at international na indibidwal ang lalahok sa nasabing forum sa darating na Biyernes at Sabado.

Ang Pederalismo na bahagi ng kampanya ng administrasyong Duterte na nagsusulong ng pagbabago ay inaasahang magbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa mga rehiyon na matagal nang nakasandal sa pamahalaang nasyunal para sa pag-unlad.