NEWS

ADVISORY

DILG umaasa sa 100 porsyentong pagtalima ng mga pamahalaang lokal sa Ease of Doing Business Law

June 6, 2018

Matapos mapirmahan ang batas na magpapadali sa proseso ng pagnenegosyo, inaasahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 100 porsyentong pagtalima ng mga pamahalaang lokal sa pagpapabilis ng paggagawad ng mga lisensya, clearance at iba pang permit.

"Ngayong mayroon ng batas, marapat lamang na mas gawin pang business-friendly ng mga pamahalaang lokal ang kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng pagpapadali ng proseso sa pagnenegosyo sapagkat sila din naman ang makikinabang niyan pagdating ng panahon," ani DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano.

Hinikayat ni Ano ang mga pamahalaang lokal na mas maging aktibo sa pagsunod sa itinatadhana ng batas dahil mas mapapataas pa ang porsyento ng mga tumalima sa parehas na inisyatibo ng DILG sa pagbababilis ng proseso sa pagnenegosyo.

Ipinahayag din niya na ang DILG, kasama ang Department of Trade and Industry at Department of Information and Communication Technology, ay naglabas ng Joint Memorandum Circular (JMC) 2016-01 o ang 'Revised Standards in Processing Business Permits and Licenses in All Cities and Municipalities' na naglalaman ng alituntunin sa pagpapabilis ng paggagawad ng mga permit at clearance sa pagnenegosyo.

"Patuloy ang pagsisikap ng DILG sa pagpapabilis ng proseso ng pagnenegosyo at ang porsyento ng mga pamahalaang lokal na nakapagcomply na ay maaari pang tumaas. Nawa'y sa pamamagitan ng pagpapasa ng nasabing batas ay magawa nating mahikayat ang 100% nilang pagtalima," aniya.

Ayon sa datos mula sa Bureau of Local Government Development ng DILG, 59.37% lamang o 900 ng mga pamahalaang lokal ang sumunod sa isinasaad ng JMC 2016-01 na isa din sa mga mahahalagang bahagi ng Republic Act 11032.

Ang RA 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Services Act of 2018 ay naglalayong mapadali at mapabilis ang pagtatayo at pagpapatakbo ng negosyo sa bansa. Ang nasabing batas na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Mayo 28, 2018 ay ang panibago o inamyendahang bersyon ng Anti-Red Tape Act of 2007.

Itinatadhana ng batas ang paggamit ng "unified form" sa pagproseso ng mga aplikasyon para sa permit at renewal ng mga negosyo, pagtatayo ng mga one-stop shop para sa pagnenegosyo, at automation ng business permits and licensing system sa loob ng tatlong taon.

Upang mawala ang korapsyon sa pagpoproseso ng mga aplikasyon sa pagnenegosyo, inaasahang isagawa ng mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang mga pamahalaang lokal, ang "zero contact policy" maliban na lamang sa preliminary assessment ng mga aplikasyon ng mga negosyo at pagpapasa ng mga requirement.

Streamlined fire clearances

Ayon kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya, isinasaad sa bagong batas na ang fire safety evaluation clearance at fire safety inspection certificate ay dapat maipagkaloob sa loob ng pitong araw ng paggawa (working days).

Ipinahayag ni Malaya na ang Bureau of Fire Protection ay kailangan ding magkaroon ng puwesto sa one stop shop ng pamahalaang lokal upang kanilang makolekta ang fire safety inspection fees, at makapagbuo ng online/electronic mechanism para sa pag-assess at pangungulekta ng mga kabayaran at pagpapalitan ng data.

"Kalimitang ang mahabang oras at proseso ang nagtataboy sa mga mamumuhunan palayo sa mga pamahalaang lokal. Sa pamamagitan ng mas pinabilis na proseso ng aplikasyon at renewal ng mga negosyo, malugod natin silang tinatanggap na magtayo ng negosyo sa ating mga pamahalaang lokal," aniya.