NEWS

ADVISORY

DILG tututukan ang pagpapatupad ng gun ban, pagbababawal sa paggamit ng police bodyguards sa barangay at SK elections

March 13, 2018

Makikipagtulungan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Commission in Elections (Comelec) sa pagpapatupad ng gun ban, paggamit ng police bodyguards o confidential agents, at iba pang ipinagbabawal na gawain na saklaw ng halalang Pambarangay at Sangguniang Kabataan sa Mayo.

Ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano, nagbigay na siya ng direktiba sa Philippine National Police (PNP) upang masimulan ang pagpapatupad ng gun ban at ang pag-recall sa mga police bodyguard sa panahon ng kampanya na magsisimula sa ika-14 ng Abril hanggang ika-21 ng Mayo.

“Kailangan ng simulan ng PNP ang paghahanda ng recall letters para maipadala ang mga ito bago pa magsimula ang election period,” ani Ano.

Base sa Comelec Resolution No. 10247, ang DILG katuwang ang National Police Commission (Napolcom) at iba pang ahensyang tagapagpatupad ng batas ay itinatadhanang maging kaakibat ng Comelec sa pagbabantay ng nasabing mga ipinagbabawal na gawain sa panahon ng halalan.

Inatasan din ni Ano ang Bureau of Jail Management and Penology na bantayan ang mga kulungan laban sa ilegal na paglalabas ng mga preso bago at matapos ang eleksyon sa bisa ng Section 261 ng Omnibus Election Code.

Ilan din sa mga ipinagbabawal na gawain mula sa ika-4 ng Mayo hanggang sa hatinggabi ng eleksyon ay ang pagpapagawa ng mga tulay at kalsada gamit ang pondo ng barangay; ang appoinment at? pag-hire ng mga bagong empleyado, paggawa ng bagong posisyon, promotion, pagtataas ng sweldo, remuneration o privileges.

Ayon naman kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang DILG at Napolcom ay parehong inatasan ng Comelec na siguraduhing mahusay na naipatutupad ang batas at pamantayan ng halalan, kaya naman ang buong pwersa ng mga kawani ng DILG ay katuwang din sa pagtitiyak na maisasakatuparan ang layon nito.

"Ang aming mga Local Government Operations Officers na nakatalaga sa bawat LGU ay makikipagcoordiate sa local Election Officers and hepe ng pulisya sa kanilang lugar upang siguruhin na ang mga direktiba ng Comelect ay sinusunod," ani Malaya.

Idinagdag din ng DILG Spokesperson na kailangang ipaalam ng mga field personnel sa Kagawaran ang anumang paglabag sa Comelec para sa karampatang aksyon.

“Inaasahan namin ang pagtulong ng aming mga field personnel sa pagbibigay-alam sa? mga barangay sa schedule of activities at prohibited acts sa election period," aniya.

Bawal sa panahon ng halalan

Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10246, sa election period mula ika-14 ng Abril hanggang ika-21 ng Mayo, ipinagbabawal ang pagdadala ng baril at ano pa mang mapanganib na armas, at ang pagsasagawa ng mga reaction force, strike force, o mga katulad ng nabanggit.

Ipinagbabawal din ang pagbabago at pagtatatag ng bagong presinto, at paglilipat o pagpapadetail ng mga kawani kasama na ang mga guro ng pampublikong paaralan. Hindi rin maaaring suspendihin ang mga halal na pinunong panlalawigan, panlungsod o munisipalidad, maging ang mga lider ng barangay.

Matinding pagbabantay din mula sa DILG at Comelec ang mariing ipinangko ni Ano laban sa pagbili at pagbebenta ng boto.

“Dalawang beses na naipagpalibang ang barangay elections. Huwag ninyong sayangin ang inyong karapatan na bumoto ng matino, mahusay, at maaasahang barangay at SK officials. Ang boto po natin ay walang katapat na presyo at nakataya sa ating boto ang pag-unlad ng ating mga barangay. Tayo ang pagbabago,” aniya.

Ipinapaalala din ni A?o sa publiko na ipinagbabawal ng Comelec ang pustahan sa magiging resulta ng halalan sa barangay at Sangguning Kabataan, maging ang paglilikom ng pondo mula sa sayawan, sugal at sabong.

Samantala, sa panahon ng kampanya na magsisimula sa ika-4 ng Mayo, ipagbabawal na din ng Comelec ang paghingi ng donasyon at gift in cash o in kind hanggang sa araw ng eleksyon sa Mayo 14.