NEWS

ADVISORY

DILG susubukin ang mga pamahalaang lokal, muling itinaas ang SGLG criteria

May 28, 2018

All or nothing.

Ito ang hamon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga pamahalaang lokal matapos nitong muling itaas ang kwalipikasyon ng Seal of Good Local Governance (SGLG) para sa taong 2018.

Ipinahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na ang bagong "All-in" na paraan ng pagsukat para sa SGLG ay isang inobasyon na inaasahang magdudulot ng positibong pagbabago sa mga pamahalaang lokal at lalong magtutulak ng layunin ng Kagawaran na pagpapatuloy ng kahusayan sa kanilang pamamahala.

"Isa itong paraan nang paghamon sa mga pamahalaang lokal upang tiyakin na natutupad nila ang kanilang mandato na husayan pa ang paglilingkod sa mga mamamayan at patuloy itong gagawin ng SGLG para sa mga Pilipino," ani Ano.

Ayon sa DILG Chief, 'di katulad ng "4+1" assessment criteria na ginamit noong nakaraang taon kung saan kailangan lamang maipasa ng mga pamahalaang lokal ang apat na core areas at isang essential area, sa SGLG 2018 kailangang maipasa ang pitong aspeto ng pamamahala.

Ang nasabing pitong core areas ay Financial Administration; Disaster Preparedness; Social Protection; Peace and Order; Business Friendliness and Competitiveness; Environmental Protection; at Tourism Culture and the Arts.

Kailangan ding makapagpakita ng positibong resulta ang mga LGUs sa kanilang mga programang pangreporma kasama ang mahusay na pamumuno at ang sama-samang pagganap ng mga kawani sa kanilang mga tungkulin.

Idinagdag din ni Ano na para magwagi ang isang lalawigan, kailangang 10% ng mga pamahalaang lokal sa ilalim nito ay makapasa din sa SGLG.

"Maaaring mahirap ito para sa iba, mula sa "4+1" ngayon ay pito na ang kailangan nilang maipasa, ngunit hindi nila kailangang mangamba. Sa halip ay kailangang magsilbi itong inspirasyon sa kanila upang patuloy na umunlad at magbigay ng pinakamahusay na paglilingkod," aniya.

Samantala, ang mga pamahalaang lokal na makakasunod sa "4+1" na tool ay pagkakalooban ng Certificate of Merit para sa kanilang pagsunod sa nabanggit na nakaraang pamantayan.

Para sa taong 2017, 448 na pamahalaang lokal kabilang ang 28 na lalawigan, 61 na lungsod at 359 na bayan ang nakakuha ng SGLG award. Ito ay 31% na mas mataas kumpara sa bilang noong 2016 na 306 lamang ang nakapasa.

Nagsimula ang SGLG assessment noong ikatlong linggo ng Abril 2018 at tatakbo sa loob ng anim na buwan hanggang sa pagpapahayag ng mga nagwagi sa Oktubre 2018.

Bagong pamantayan

Bukod sa mga naidagdag na pamantayan para sa SGLG 2017, narito pa ang ilan sa mga bago at upgraded na criteria para naman sa SGLG 2018:

Sa Financial Administration, kailangan ang pinakabagong audit opinion, unqualified man o qualified kasama ang "30% recommendations acted upon"; hindi bababa sa 5% na paglago ng kita ng pamahalaang lokal sa nakaraang tatlong taon (2014-2016); naitatag na local development council; gamit na pondo at natapos na mga proyekto sa ilalim ng Performance Challenge Fund (2015 and 2016) kung mayroon man; naaprubahang budget para sa taong 2018; at natapos na mga proyekto sa ilalim ng Assistance to Municipalities kasama ang 85% na benchmark para sa 2018 kung mayroon man.

Sa Disaster Preparedness, kailangang hindi bababa sa tatlo ang may plantillang posisyon sa PDRRMO/CDRRMO para sa HUC at probinsiya, isa para sa independent component cities, component cities at munisipalidad na nakatuon sa pananaliksik (research) at pagpaplano (planning), pamamahala (administration) at pagsasanay (training), at operasyon (operation) at pagbababala (warning); hindi bababa sa 50% na utilization rate ng 70% na component ng pondo para sa 2017 DRRM; hindi bababa sa 75% ng mga barangay ay may CBDRRM plans (para sa mga lungsod); at hindi bababa sa 75% ng mga barangay ay may "info guide" (para sa mga munisipalidad); ICS Training Level II o higit pa para sa mga lalawigan/HUCs, at Basic ICS training para sa ICCs and CCs.

Sa Social Protection, ang makakapasang mga lungsod ay kailangang nagkamit ng 2017 Seal of Child-friendly Local Governance; hindi bababa sa 85% ang natapos o nagamit mula sa pondo para sa Local School Board Plan; hindi bababa sa 80% ng mga barangay ay nakapagpasa ng kanilang ulat sa Violence Against Women and Children (VAWC) (para sa mga lungsod at mga munisipalidad); hindi bababa sa 50% ng mga ospital na pinatatakbo ng pamahalaang panlalawigan o panlungsod ay Philhealth-accredited para taong 2017; kailangang may Persons with Disability Affairs Office para sa lalawigan at HUCs, at designated na persons with disability affairs officer para sa ICCs, CCs at mga munisipalidad; kailangang nagamit ang kabuuan ng pondo o nakumpleto ang mga proyekto sa ilalim ng Salintubig project para sa mga lungsod at munisipalidad sa taong 2012-2015, na kung maaari ay may 50% benchmark para sa taong 2016.

Para sa Peace and Order, kailangang hindi bababa sa 75% ang implementation rate ng mga nakaplanong gawain, o hindi bababa sa 75% ang nagamit na pondo para sa kapayapaan at kaayusan at public safety plan; para sa mga lungsod at munisipalidad, kailangang 100% na-naorganisa at nasanay ang kanilang barangay peacekeeping action teams.

Sa Business Friendliness and Competitiveness, kailangang hindi bababa sa 60% ang nakumpletong Conditional Matching Grant sa mga lalawigan na para sa pagpapagawa ng mga kalsada, rehabilitasyon at pagsasaayos para sa taong 2016 (para sa mga lalawigan); at pagtaas ng capital investments na makukuha sa tala ng mga bagong rehistrong negosyo (para sa mga lungsod).

Sa Environmental Management, kailangang walang operating o controlled na dumpsite (para sa mga lungsod o munisipalidad).

Para sa Tourism, Culture and the Arts, ilan sa mga bagong sub-indicator para sa pagpapalaganap at pagpapanatili ng kalinangan at kultura ay ang hindi bababa sa 75% paggamit ng pondo na nakalaan para sa pagpapanatili at preserbasyon ng mga cultural property para sa CY 2017, at nailathala at documented na tala ng kasaysayan at kalinangan.