NEWS

ADVISORY

DILG suportado ang panukalang magpasumite ng resumé sa Barangay, SK candidates

March 5, 2018

Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panukala ng isang election watchdog group na ipasumite ang kahit isang pahinang resume sa mga kakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Ayon kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang rekomendasyon ng National Citizens Movement for Free Elections (NAMFREL) ay akma sa kasalukuyang kampanya ng Kagawaran na ihalal ng taumbayan ang mga Matino, Mahusay at Maaasahang Barangay at SK candidates.

Nasa gitna ng paghahanda ang DILG ngayon para sa mapayapa at matiwasay na Barangay at SK elections sa darating na Mayo. Nauna nang pinabulaanan nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Senate President Aquilino "Koko" Pimentel III ang haka-hakang ipagpapaliban muli ang halalang pambarangay sa ikatlong pagkakataon.

“Sang-ayon kami sa panukala ng NAMFREL dahil ang halalan ay hindi isang laro na kahit sino na lang ay puwedeng sumali. Dapat masukat natin ang kakayanang maglingkod ng bawat kandidatong tatakbo sa eleksyon,” sabi ni Malaya.

Hinimok ng Namfrel ang Commission on Elections (Comelec) na atasan ang mga kakandidato na magbigay ng isang pahinang resume na nagsasabi ng pagiging angkop nila sa posisyong kinakandidatuhan nila.

Umaasa raw si Malaya na bibigyan ng konsiderasyon ng Comelec ang panukala ng Namfrel dahil ito’y para maihalal ang mga pinunong may kakayahan at para sa pagpapabuti ng kabuoang pamamahala sa mga barangay at SK.

“Sa level ng barangay nararamdaman ng mga mamamayan ang malasakit at pagkalinga ng gobyerno kaya mahalaga na busisiin natin ang kakayahan at motibasyon ng sinumang nagnanais na mamuno sa barangay,” aniya.

“Mahalagang malaman natin ano ang motibasyon ng ating mga kandidato sa pagtakbo. Isang maling boto, tatlong taon na nasayang na serbisyo ang katapat nito kaya dapat maging mapanuri tayo sa paghalal ng Barangay Chairperson, Kagawad at maging sa SK,” dagdag ni Malaya.

Matino, mahusay at maaasahan

Nitong nakaraang buwan, inilunsad ng DILG sa pamumuno ni OIC- Secretary Eduardo M. Ano ang kampanyang Matino, Mahusay at Maaasahang Barangay at SK officials para hikayatin ang publiko na piliin ang mga lider na taglay ang tatlong katangiang ito na mahalaga sa pagpapatupad ng mga makabuluhang inisyatiba para sa kapayapaan at kaunlaran ng mga komunidad.

Ayon kay Malaya, ang matinong barangay at SK candidates ay hindi "corrupt" at lumalaban sa katiwalian; lumaban at lumalaban sa iligal na droga; tapat sa serbisyo at bukas sa publiko; magaling at may disiplina; at walang kaugnayan sa masasamang tao o grupo.

Ang mahusay namang kandidato ay may platapormang pangkaunlaran at pangkapayapaan; huwaran at modelo ng kanyang mga kabarangay; sumusunod sa mga alituntunin ng pamahalaan at ng komunidad; maayos makitungo sa mga kabarangay; at may patas na pagtingin sa iba’t ibang problema sa barangay.

Samantala, ang maaasahang kandidato naman ay maalam at may kakayahan sa pagpaplano; alistong tumutulong sa panahon ng sakuna; nagmamalasakit sa kapwa; madaling malapitan sa oras ng pangangailangan; at subok sa pagtulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Binigyang-diin ni Malaya na kailangan ng gobyerno ng mabubuting pinuno sa mga barangay sapagkat sila ang magsisimula’t magtataguyod ng pagbabagong minimithi ng administrasyong Duterte.