NEWS

ADVISORY

DILG suportado ang mga alkalde sa bagong patakaran sa kanselasyon ng klase

August 9, 2018

Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Metro Manila Council (MMC) tungkol sa bagong patakaran sa pagsuspinde ng klase sa Metro Manila kapag masama ang panahon.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na ang desisyon na gawing uniporme ang patakaran sa pagsuspinde ng klase ay nararapat lamang para ang mga estudyante at manggagawa na araw-araw sumasakay papunta sa eskwelahan at kanilang pinagtratrabahuan ay ligtas sa mga malalakas na ulan at baha.

“Kami ay nagagalak na ang mga local government units (LGUs) sa Metro Manila ay gumagawa ng hakbang sa isyung ito dahil sa hirap na dinaranas ng mga mag-aaral at empleyado sa tuwing pauwi sila sa kanilang mga bahay kapag huli na ang anunsyo ng pagsuspinde sa klase o pasok sa trabaho,” ayon kay Ano.

Sinabi naman ng DILG chief na ang DILG ay handang makipag-ugnayan sa mga alkalde at local government leagues sa paglikha ng polisiya sa class at work suspension.

“Kami ay handang tumulong sa konseho sa anumang paraan upang makagawa ng mga kinakailangang alintuntunin. Kailangan talagang mapag-usapan at mapagdesisyon na ito para sa kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante at empleyado na sumusuong sa matinding baha at ulan sa kanilang pagpasok sa eskwelahan at opisina,” ayon kay Año.

Nito lamang Martes. ang MMC ay nagkaisa para makalikha ng alituntunin kung saan ilang mga alkalde ay tinuligsa at nakatanggap ng mga pagbabanta sa social media tuwing dahil sa huling kanselasyon ng klase. Ang pambansang hotline 8888 ay binaha din ng mga reklamo laban sa mga mayors tungkol sa hindi pagsuspinde ng mga klase.

Ayon naman kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya, naiintindihan niya ang mga kinakaharap ng mga alkalde sa pagdesisyon kung dapat ba o hindi na isuspinde ang klase at trabaho dahil dapat din nilang ikonsidera ang mga weather advisories at ulat sa totoong sitwasyon sa ibaba.

“Naiintindihan namin na mahirap para sa mga alkalde na gumawa ng tama at matalinong desisyon tungkol sa bagay na ito sa tuwing masama ang panahon. Inaasahan namin na sa pamamagitan ng ilalabas na polisiya at sa pagtutulungan ng mga nabangit na ahensya ng pamahalaan, sila ay magagabayan sa paggawa ng tamang anunsyo na katanggap-tanggap sa mga mag-aaral, manggagawa, mga magulang gayundin sa negosyante,” dagdag pa nito.

Pinaalalahanan din ni Malaya ang mga LGUs na maaaring maging gabay nila ang Operation Listo manuals na ginawa ng DILG na nagsasabi ng mga aksyong dapat gawin bago dumating, sa oras ng bagyo at pagkatapos nito.

Nauna rito, hinikayat ng DILG ang mga LGUs na laging maging maagap sa pagdeklara ng kanselasyon ng mga klase at trabaho sa kanilang mga nasasakupan makaraanf makatanggap ng mga reklamo tungkol sa huling pagsuspendi ng klase ng mga ito.

Ayon sa DILG, ang local chief executives, bilang chairpersons ng kanilang mga local disaster risk reduction and management councils (LDRRMC), ay dapat gumawa ng matalino at mabilis na desisyon base sa sitwasyon sa baba, lalong-lalo na tuwing may bagyo at kalamidad.

Matatandaan na noong 2012, nagpalabas ang Malacañang ng Executive Order No. 66 series of 2012,kung saan ang mga local chief executives, bilang LDRRMC chairs, ang binigyan ng kapangyarihan na magkansela o magsuspendi ng klase at pasok sa gobyerno sa kanilang nasasakupan.