NEWS

ADVISORY

DILG suportado ang isinusulong na "Drug Test Challenge" ng isang mambabatas sa mga kandidato ng Barangay, SK

May 9, 2018

Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panawagang boluntaryong drug test sa mga kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan ng isang mambabatas bilang patunay na wala silang kaugnayan sa iligal na droga.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na pabor siya sa mungkahi ni Congressman Robert Ace S. Barbers, Chairperson ng House Committee on Dangerous Drugs, na lumagda ang mga kalahok na kandidato ng nalalapit ng barangay at SK sa isang covenant na magpapatunay ng kanilang kahandaan na mapasailalim sa drug test.

Nauna dito ay nagkaroon din ng parehong panawagan si PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa mga kandidato para sa nalalapit na eleksyon.

“Suportado ng DILG ang panawagan ni Congressman Barbers at mga kasama niya sa komite na lumagda ang barangay at SK candidates sa isang covenant bilang publikong kasulatan at patunay na ‘di sila sangkot sa iligal na droga,” saad ni Ano.

Sa joint press conference ng DILG at PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) noong nakaraang linggo, inihayag ni Barbers na dapat nakapaloob sa kanyang minumungkahing covenant ang mga sumusunod: pangakong hindi tatanggap ng pera, materyal na bagay o anumang pabor mula sa drug lord para sa kanilang kanilang election campaign activities; sakaling manalo, ang naihalal na opisyal ay dapat pangunahan ang pagsusulong ng drug-clearing sa kanilang lugar at ipapaskil ang nilagdaang covenant sa kanilang barangay hall.

Ayon pa sa mambabatas, dapat isagawa ang drug test sa accredited facility ng Department of Health at isumite ang resulta ng pagsusuri sa Commission on Elections para sa dokumentasyon at publikasyon.

Sinabi ng DILG Chief na lahat ng boluntaryong sumailalim sa drug test at inilahad ang resulta nito sa publiko ay mapapatunayan sa mga botante na wala silang itinatago.

Sa nalalabing araw ng campaign period, iginiit din ni Ano sa mga botante na kilalaning mabuti ang mga background at plataporma ng kanilang mga kandidato.

“Simula na po ng kampanya ng barangay at SK candidates. Simula na rin ng masusing pagkilatis ng mga botante sa susunod na mamamahala sa inyong komunidad na dapat ay matino, mahusay, at maaasahan sa paglinis ng inyong lugar sa iligal na droga, kriminalidad at korapsyon,” pahayag nito.

Hiniling pa nito sa mga botante na suriing mabuti ang kuwalipikasyon ng mga kandidato kung sila ay Matino, Mahusay at Maaasahan na kilalang brand service ng DILG.

“Partikular po ang iligal na droga na ugat ng pagkasira ng buhay ng ordinaryong mamamayan at pagkasira ng moralidad ng mga opisyal na nagiging protektor ng mga drug syndicates,” dagdag pa nito.

Isinaad pa ng DILG Chief na ang pag-organisa sa Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at ang paggana nito ay sia sa magiging kongkretong aksyon ng mga susunod na mamumuno sa barangay sa paglilinis ng kanilang komunidad sa iligal na droga. Ang SK Chairperson ay isa sa magiging miyembro ng BADAC.