NEWS

ADVISORY

DILG suportado ang National ID System

June 1, 2018

Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang implementasyon ng national identification system na magpapabilis sa pakikipag- transaksyon sa gobyerno at pagbibigay ng serbisyong pampubliko.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na magiging madali at mabilis na ang pakikipagtransaksyon ng publiko sa mga ahensya ng pamahalaan dahil isang ID na lamang ang hihingin sa kanila sa pagkuha ng mga serbisyo.

“Magiging maginhawa para sa publiko at gobyerno kapag nagkakaroon na ng national ID system. Mapapasimple at mapapaikli ang mga proseso dahil hindi na kailangang magpakita pa ng maraming ID o sumulat sa iba’t ibang form para lamang patunayan ng isang tao ang kanyang pagkakakilanlan sa kanyang pakikipag-ugnayan sa gobyerno man o pribadong institusyon,” saad nito.

Idinagdag pa ng DILG Chief lahat ay matutulungan ng ID system dahil magkakaroon na ng libre at valid government ID ang lahat ng Filipino. “Hindi na kailangang gamitin ang cedula bilang pagkakakilanlan,” aniya.

Dahil wala ng aberya sa pagpresinta ng IDs, idinagdag pa ng hepe ng DILG na magiging mabilis na ang pakikipagtransaksyon at paghatid ng pangunahing serbisyo sa publiko.

“Ang pagkakaroon ng national ID system ay pagsuporta sa mga naunang pagsisikap ng pamahalaan na pabilisin ang sistema at proseso ng kalarakaran sa gobyerno. Ito ay bahagi ng itinutulak na pagbabago ni Pangulong Duterte,” aniya.

Ipinaliwanag ni Ano na magiging magaan din ang pakikipagtransaksyon ng publiko sa pribadong sektor na kikilalanin at tatanggapin din ang kredibilidad ng iisang national ID.

Ang ID card ay magagamit sa pagbubukas ng bank accounts, pagpaparehistro bilang botante, pagpapaadmit sa ospital o sa mga eskwelahan, aplikasyon sa pasaporte at lisensiya, paghiling ng social welfare services at iba pang benepisyo sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Kamakailan, inaprubahan ng Senado at House of Representatives ang pagkakaroon ng isang bersyon ng national ID bill.

Sa sandaling mapirmahan ng Presidente, ang national ID system ay inaasahang magiging epektibo ito bago o pagsapit ng Hunyo ngayong taon.

Mas mahigpit na crime prevention

Ayon kay Ano, sa sandaling maipatupad ang national ID system, magkakaroon ng epektibo at mahusay na pagpapatupad ng batas at pagresolba sa mga krimen.

“Makakatulong ito sa local government units (LGUs) at PNP sa pagtupad ng kanilang tungkulin na protektahan ang pangkalahatang kapakanan ng komunidad dahil mas madali na nilang matutukoy ang mga tao sa kanilang komunidad,” pahayag nito.

Kamakailan lang nagkaisa ang mga mambabatas na isama ang 13 set ng impormasyon para sa pinal na ID system kabilang ang: pangalan, kasarian, petsa ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, Filipino o dayuhang naninirahan, blood type, marital status, mobile number, email address at biometric data tulad ng nakaharap na larawan, kumpletong set ng finger prints at iris scan.

Hinimok din ni Malaya ang mga tumututol sa sistema na buksan nila ang kanilang kaisipan at ikunsidera ang national ID para sa ating law enforcement at public safety.

“Iyong mga tutol sa panukalang national ID system ay iyong mga may itinatago sa batas sapagkat ang sino mang masunuring mamamayan ay bukas sa rekomendasyong ito,” paliwanag nito.