NEWS

ADVISORY

DILG sinusubaybayan ang lahat ng island resorts sa bansa para maiwasan ang pagsara katulad ng Boracay

October 26, 2018

Upang maiwasan ang pagsasara tulad ng nangyari sa Boracay, inatasan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na subaybayan ang mga island resorts at beach tourism destinations sa buong bansa.

Upang makasiguro na ang kagawaran ay makakasunod sa direktiba ng Pangulo, inatasan ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año ang lahat ng regional offices ng kagawaran na magsumite ng report ng mga listahan ng mga ordinansa na inisyu ng lalawigan, lungsod at bayan na may kaugnayan sa pangangalaga sa kailikasan, pagtatayo ng mga gusali at easement regulation.

“Pag-aaralan ng DILG ang kalagayan ng mga sewage treatment facilities, power at water supply service capacity, Zoning Ordinance at Comprehensive Land Use Plan ng mga lokal na pamahalaan na dinarayo ng mga turista dahil sa karagatan,” sinabi ni Año.

Isusumite ang regional reports sa DILG Beach Tourism Monitoring Team (BTMT) na binuo mula sa dating DILG Boracay Secretariat (DBS).

Dahil malaki ang epekto sa kabuhayan ng mga tao at lokal na ekonomiya ang pagsasara sa mga tourism site, hinikayat rin niya ang mga LGUs na huwag ng maghintay ng kaparusahan o mga interbensyon mula sa gobyerno. “Dapat ay matuto tayo sa nangyari sa Boracay, Huwag na nating hintayin na mababoy ang ating mga beaches,” sabi pa nito.

“Ang pagiging kampante ay katumbas na rin ng pagpapabaya sa tungkulin. May pananagutan ang mga lokal na opisyal na isaayos ang mga negosyo sa turismo at ipatupad ang mga batas, tuntunin, ordinansa at regulasyon ukol sa kalikasan,” ayon kay Año.

“Huwag na nating hintayin na masagad ang pagkasira ng kalikasan at umabot sa puntong napakahirap na nitong ibalik pa sa dati. Huwag tayong magpaliban at sa halip ay maging aktibo kahit walang sumusubaybay sa atin,” hamon niya sa mga lokal na opisyal.

Sa ika-29 na pulong ng gabinete nitong Setyembre, inatasan ang DILG kasama ang Department of Tourism (DOT) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Pangulo na “patuloy na subaybayan at maging mapagbantay sa pangangasiwa sa ibang island resorts.”

Ayon kay DILG Spokesperson, Assistant Secretary Jonathan E. Malaya, ang BTMT ay gumagawa ng monitoring framework at tools base sa karanasan sa Boracay para epektibong mamonitor ang lahat ng beach tourism destinations at island resorts.

Pinaalalahanan na ng DOT ang mga lokal na pamahalaan na laging dinarayo ng mga turista tulad ng El Nido sa Palawan, Panglao sa Bohol, Oslob sa Cebu, at La Union.

“Habang aktibong pinapalaganap ng mga LGUs ang mga negosyo para sa pamumuhunan at trabaho, dapat din nilang balansehin ito sa kalikasan. Ito ay pamantayan sa DILG Seal of Good Local Governance (SGLG),” sabi ni Malaya.

Para sa mga pamahalaang panlalawigan, kasama sa 2018 SGLG assessment criteria na dapat mayroong solid waste management board at aprubadong 10-year solid waste management plan ang mga probinsiya.

Ang mga syudad at munisipyo naman ay kailangan ding may inorganisang solid waste management board, walang open o controlled dumpsite, aprubadong 10-year solid waste management plan, materials recovery facility, at access to a sanitary landfill o alternative technology bilang paglalagakan ng basura.