NEWS

ADVISORY

DILG pinapurihan ang BJMP para sa 307 drug-free bilangguan sa bansa

August 7, 2018

Pinapurihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos madeklarang drug-free ang 307 bilangguan sa bansa sa loob nang halos isang taon pa lamang na pinaigting na 'internal cleansing' sa ahensya.

Pinahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na malaki ang iniunlad ng programa ng BJMP kontra iligal na droga sa mga bilangguan bunga ng kampanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ilayo ang mga Pilipino, maging ang mga nakakulong sa bilangguan, sa impluwensya ng iligal na droga.

"Kinikilala ng DILG ang tagumpay ng BJMP. Ang paglaganap ng iligal na droga sa mga bilangguan ay matagal ng suliranin sa bansa na nangangailangan ng political will. Para masolusyunan ito ng BJMP sa loob ng maikling panahon, sa loob lamang ng ilang buwan ay kahanga-hanga," ani Año.

"Bilang isa sa mga attached agency ng DILG, kami ay nalulugod sa pag-unlad na nakamit ng BJMP sa loob lamang ng ilang buwan," dagdag pa niya.

Ayon kay Año, sa pamamagitan ng mga inisyatibo ng BJMP, tumaas sa 74.51% ng mga bilangguan sa ilalim ng ahensya ang drug-free na, malayo sa 68 bilangguan na nasertipikahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagpasok ng 2018.

"Hindi nagsisinungaling ang mga numero. Mula sa 68, ngayon ay may 307 na mga bilangguan sa bansa ang drug-free bunga nang pinaigting na kampanya ng BJMP kontra iligal na droga na nakaayon din sa mithiin ng Pangulo para sa bansa," aniya.

Pinuri din ni DILG Chief Año si BJMP Chief Jail Director Deogracias C. Tapayan dahil sa kanyang mahusay na pamumuno at consistency sa pagpapatupad ng mga programa ng Jail Bureau at sa kanyang "pagiging katuwang ng pamahalaan sa laban kontra sa iligal na droga".

Aniya, sa loob lamang ng ilang buwan bilang pinuno ng BJMP, naging maaasahang lider si Tapayan na nagdala sa ahensya sa pinakamahusay nitong performance, habang unti-unti ay isinasaayos ang mga pasilidad ng mga bilangguan upang ito ay maging lugar ng pagpapanibagong-buhay para sa mga detainee.

"Napakaganda ng ginawa ni BJMP Chief Tapayan. Umaasa akong magpapatuloy ang kanyang pagpupursige na lalo pang mapabuti ang BJMP at ang kalagayan ng ating mga kababayan sa likod ng rehas," ani DILG Chief Año.

Mga hakbang tungo sa drug-free BJMP

Ipinaliwanag din ni Año na kailangang makapasa sa tuntunin na inilatag ng mga ahensya tulad ng PDEA at Philippine National Police (PNP) upang masabing 'drug-free' ang isang bilangguan.

"Walong rehiyon ang nedeklarang drug-free gamit ang tuntunin ng PDEA at PNP. Lahat ng mga rehiyon na ito ay 100% compliant, ibig sabihin ay natugunan nila lahat ng requirements," aniya.

Ayon sa BJMP, random-drug testing sa mga bilanggo at kawani ng ahensya, jail-based intervention program kontra sa iligal na droga, dapat ay walang mga illegal drug paraphernalia sa mga bilangguan, ang ilan sa mga tuntunin para masabing drug-free ang isang bilangguan.

Pinangunahan din ni BJMP Chief Tapayan ang proyeto ng Jail Bureau na PRRD o Personal Progressive Cleansing and Build-up, Recruitment and Revamped Training and Reorientation, Rehabilitation of Facilities, Safekeeping and Development of Persons Deprived of Liberty, and Decongested De-radicalized drug facilities.

Bukod dito, nagkaroon din ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng PDEA at BJMP noong Nobyembre 2017 para sa pagsasagawa ng regular na drug-clearing operations sa lahat ng bilangguan sa mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa.