NEWS

DILG pinaalalahanan ang PNP na maging non-partisan

May 10, 2018

Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na manatiling walang kinikilingan at non-partisan sa pagganap ng kanilang tungkulin bilang mga katuwang ng Commission on Elections sa eleksyong pambarangay.

Ipinahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano sa PNP na bilang pangunahing tagapagtaguyod ng batas, marapat lamang na ituon nila ang kanilang atensyon sa pagtiyak na magiging mapayapa at maayos ang halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE).

Inatasan din niya ang PNP na makipag-ugnayan sa mga field office ng Comelec bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 21 na nagtatalaga sa PNP at iba pang mga law enforcement agency ng pamahalaan bilang katuwang ng Komisyon para sa BSKE 2018.

Ayon sa DILG Chief, kailangang ipaalam ng PNP sa mga Comelec Election Officer at mga Provincial Election Supervisor ang lahat ng mga operasyon at gawain na may kinalaman sa halalang pambarangay, at tumalima sa mga direksyon ng Komisyon.

Sa ilalim ng Republic Act 6713, Republic Act 3019 at PNP Ethical Doctrine, ang mga kapulisan ng PNP, bilang mga kawani ng pamahalaan at pangunahing tagapagpaganap ng batas, ay inaasahang magbibigay nang pantay-pantay na paglilingkod sa mga mamamayan anuman ang partidong kinabibilangan.

No to vote-buying

Bilang pagtugon sa mga ulat ng laganap na vote-buying sa ilang bahagi ng bansa, inatasan ni Ano si PNP Chief Director General Oscar Albayalde na manguna at maging masigasig sa pagsugpo sa pagbili at pagbebenta ng boto.

"Kailangang mas paigtingin pa ng lahat ng mga unit ng PNP ang kanilang pagbabantay sa mga barangay upang pigilan ang pagbili at pagbebenta ng boto. At kung magkakaroon man ng mga ulat ng vote buying, agad itong imbestigahan since that is an election offense," aniya.

Ayon sa kanya, kailangang bantayan ng PNP ang anumang insidente ng vote buying at vote selling, at tiyaking mahuhuli at mapaparusahan ang mapapatunayang may sala.

Opisyal na magtatapos ang pangangampanya para sa BSKE 2018 sa Mayo 12, 2018 at magaganap naman ang halalan sa Mayo 14, 2018.