NEWS

ADVISORY

DILG pangungunahan ang lokal na usapang pangkapayapaan sa mga rebelde

July 10, 2018

Pangungunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lokal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga pamahalaang lokal at ground units ng National Democratic Front – New People’s Army (NDF-NPA) kung hindi magaganap ang peace talks sa Communist Party of the Philippines (CPP).

Ipinahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na ang hakbang na ito na mula mismo sa Malacanang at sinuportahan ng Department of National Defense ay magiging daan upang ang usapang pangkapayapaan ay mas makatugon sa pangangailangan at sitwasyon ng mga lokal na komunidad, at mas magkakaroon ng mas malaking epekto sa mga mamamayan.

"Bilang tugon sa pahayag ng mga Makakaliwa na mas nais pa nilang tanggalin sa puwesto ang Pangulo kaysa makipag-usap para sa kapayapaan, wala kaming magagawa kundi itulak ang lokal na usapang pangkapayapaan sapagkat ang mga desisyon at mga kasunduan doon ay mas magiging makatotohanan at madaling maipatupad," paliwanag ni Año.

Ayon sa kanya, matutugunan din nito ang agam-agam ng ilang miyembro ng Kongreso na ang mga pinuno ng mga makakaliwang grupo, lalo na yung mga wala naman sa bansa, ay hindi naman talaga kumakatawan sa mga pangangailangan at hinaing ng mga rebelde sa bansa.

Binigyang-diin din ng DILG Chief na sa pagsusulong ng lokal na usapang pangkapayapaan, hindi dapat bitawan ng mga pamahalaang lokal ang alin mang aspeto ng pamamahala sa mga komunista.

“Mayroon ng pangkat na bumabalangkas ng mga tuntunin ng localized peace talks para sa mga pamahalaang lokal. Sa oras na matapos ito, maaari na nilang pangunahan ang pakikipag-usap sa mga rebelde alang-alang sa kapayapaan at pag-unlad ng kanilang lokalidad," ayon sa DILG Chief.

Sa ilalim ng nalalapit nang ilabas na tuntunin, ang Regional Peace and Order Councils (RPOCs) at Regional Development Councils (RDCs) ang magiging pangunahing mekanismo upang masimulan ang pangkapayapaang inisyatibo ng gobyerno sa mga pamahalang lokal.

Habang nagpapatuloy ang mga lokal na usapang pangkayapaan, susuriin naman ang mga nilagdaang peace documents kabilang na ang mga draft proposal para sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), Interim Peace Agreement (IPA), at End of Hostilities and Disposition of Forces (EHDF) upang suriin ang kanilang kabuluhan sa usaping pangkapayaan.

"Hindi kami susuko para sa kapayapaan. Patuloy naming susubukan lahat ng daan na maaaring tahakin. Gayunpaman, hindi ito kapayapaan kapalit ang lahat. Isang sinserong peace talk lamang, maging nasyunal man o lokal ang makapagdudulot ng pangmatagalang kapayapaan," aniya.

Kamakailan lamang, ipinahayag ni Pangulong Duterte ang mga kondisyon upang magpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa mga rebelde. Ilan dito ay sa Pilipinas ganapin ang usapang pangkapayapaan ng walang karahasan, walang koleksyon ng rebolusyonaryong buwis, pagbalik ng mga NPA sa kanilang mga kampo, at walang coalition government.