NEWS

DILG nasungkit ang international award sa SoKor dahil sa aralin sa SGLG

May 3, 2018

Muli na namang umani ng pagkilala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos nitong masungkit ang isang international award sa isang global conference na ginanap sa South Korea para sa katangi-tanging pag-aaral at rekomendasyon nito hinggil sa mabuting lokal na pamamahala.

Nakuha ng regional office ng Kagawaran sa Cagayan Valley ang Best Practice Award para sa pag-aaral nito na pinamagatang “Seal of Good Local Governance (SGLG): The Blueprint in Defining and Directing DILG Region 2 Programs, Projects and Activities Implementation and Service Delivery.”

Ang parangal ay ipinagkaloob sa ginanap na 4th International Conference ng International Association for Public Human Resource Development (IAPHRD) na ginawa sa Sungkyunkwan University sa Seoul.

Pinuri naman ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang DILG Region 2 dahil sa inisyatibo nito na isulong ang pag-aaral na layuning higit na mapakinabangan ang resulta ng SGLG para malaman ang mga nararapat na interbensyon tulad ng capacity development, technical assistance, o polisiya na tutugon sa pagpapatibay ng local government units (LGUs).

“Pinupuri ko ang DILG Cagayan Valley regional management bunsod ng pagbusisi niyo sa resulta ng SGLG para matukoy ang mga lakas at kahinaan ng LGUs sa inyong rehiyon nang sa gayun ay matulungan niyo sila na mapaghusay ang kanilang pamamahala para sa kapakanan ng publiko,” saad nito.

Sa nakalipas na tatlong taon, ang SGLG na taon-taong iginagawad sa mahuhusay na LGUs ay nagsisilbing sagisag ng karangalan at kapurihan sa kanila.

Tatlong kawani ng DILG Region 2 ang nagsagawa ng nasabing pag-aaral na ipinresinta sa IAPHRD paper conference sa South Korea na may temang “Advancing Strategic and Humanistic Public Human Resource Governance for Innovation and Public Value.”

Sila ay sina Local Government Operations Officers Maybelle E. Anog, Kelinda A. Vidad at Ricarte M. Castro na tumalakay sa SGLG bilang epektibong mekanismo ng DILG sa pagpapahusay ng lokal na pamamahala at sa pagkakaroon ng mga champion o mga nagpapanalo nito sa LGUs sa Pilipinas.

Tinalo nila ang 11 kinatawan mula sa South Korea, Haiti, Rwanda, Ecuador, Tanzania, Bahamas, Cambodia, Nepal, Mozambique, Lao People's Democratic Republic, at Indonesia.

“Nagpapasalamat tayo na ginawa natin ang pag-aaral na ito na naging daan para makilala ang programa ng DILG na SGLG sa international arena. Muli na namang napatunayan ng SGLG na hindi lamang ang LGUs sa Pilipinas ang nahihikayat nito kundi pati na rin ang ating international development partners,” sabi ni Vidad.

Ibinahagi din niya na ang Sungkyunkwan University ay nakipag-partner sa DILG Region 2 upang muling magsagawa ng pagsasaliksik hinggil sa SGLG na ipepresinta naman sa Switzerland.

Tiniyak ni Regional Director Jonathan Paul M. Leusen Jr. na ang tagumpay na ito ng regional office ay “simula pa lamang ng pagpapabuti ng banner at stratehiya ng regional office na may pamagat na #R2GETHER na ibig sabihin ay 'Region 2 Guarantees Every Task is Harmoniously done with Excellent Result' gamit ang 3-in-1 activity na connecting, converging, at convening.”