NEWS

ADVISORY

DILG nanawagan sa mga Filipino na lumahok sa federalism roadshow at consultations

June 13, 2018

Nananawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Filipino na lumahok sa nalalapit na Federalism Roadshows at konsultasyon para sa isinusulong na pagbabago ng konstitusyon patungo sa sistemang federal na pamahalaan.

“Nananawagan kami sa ating mga kababayan na lumahok sa mga talakayan at konsultasyon na isasagawa ng Consultative Committee (Concom) tungkol sa mga iminumungkahing pagbabago sa ating Konstitusyon,” saad ni DILG Undersecretary for Local Government Austere A. Panadero.

Kabilang si Panadero sa panelists sa dalawang araw na kumperensya tungkol sa ‘Managing Devolved Transition’ sa Pilipinas na inorganisa ng DILG at ng Forum of Federations, isang international organization ng kinabibilangan ng mga bansang federal.

Kasama din sa okasyon ang mga miyembro ng Concom na nagrerepaso sa 1987 Saligang Batas sa pangunguna ni dating Senador Aquilino Q. Pimentel, Jr., Prof. Edmund Tayao, Atty. Roan Libarios at Atty. Randolph Parcasio; PDP Laban Federalism Institute Fellow Sec. Gary Olivar; Forum of Federations Senior Director Philip Gonzales; at Masbate Vice Governor Jo Kristine Revil.

Sinabi ng DILG Undersecretary na ngayong malapit nang matapos ng Concom sa mga iminumungkahi nitong pagbabago sa konstitusyon, mas lalong dapat na makilahok sa mga diskusyon, ibahagi ang kanilang mga komento upang mabuo ang perpektong modelo ng federalismo para sa bansa.

“Atin itong bigyan ng panahon at intindihin upang lalo nating malaman anong klaseng pagbabago ating dapat suportahan dito sa ating pagshift sa federalism form of government. Ang DILG po ay inyong katuwang at kaagapay sa programang ito,” aniya.

Sinabi ni DILG Assistant Secretary at Spokesman Jonathan Malaya na magsisimula ang Federalism Roadshow sa Hunyo 17 sa Dumaguete City. “Kasama ang Concom, bibisitahin natin ang lahat ng rehiyon sa bansa upang simulan ang pambansang talakayan hinggil sa napakahalagang isinusulong ng pamahalaan,” aniya.

Ipinaliwanag ni Malaya na ang DILG at Concom ay magkatuwang upang siguruhin na iisang mensahe lang ang matatanggap ng publiko mula sa pamahalaan sa gitna ng napakaraming grupo at organisasyon na nagtutulak ng sistemang federal.

Sa naturang okasyon, ibinahagi ni Pimentel kung ano na ang mga pinakahuling pagbabago sa isinusulong na modelo ng federalismo.

Ayon sa kanya, magkakaroon ng 18 rehiyon sa halip na 17 lamang sa ilalim ng sistemang federal. Ang modelo ay nagtatakda rin ng presidential form kung saan ang ihahalal na presidente at bise presidente ay dapat mula sa iisang partido.

Hindi imumungkahi ng Concom ang pagpapalawig ng termino ng presidente, isang bagay na pinangangambahan ng publiko sa sandaling magtagumpay ang isinusulong na federalismo.

Samantala, itinaas naman sa college level ang antas ng edukasyon ng mga mahahalal na opisyal taliwas sa marunong magbasa at sumulat na literacy requirement sa mga mambabatas sa kasalukuyan.

“Kailangang alam ng mga kandidato ang mga kinakailangan para sa mga posisyon na tinatakbuhan nila sa gobyerno,” saad ni Pimentel.

Inaprubahan din ng Concom ang panukala na magtitiyak na ang karamihan sa mga kinatawan sa House of Representatives ay kakatawan sa maliliit na sektor sa bansa.

Hahatiin naman ang judicial powers sa tatlong sangay taliwas sa kasalukuyan na nasa Korte Suprema lamang.

Sa aspetong pinansiyal naman para sa mahihirap na rehiyon sa bansa, inirekumenda ng Concom ang pagbuo ng Loan Commission na may kahalintulad na tungkulin sa World Bank.

“Inirekomenda namin ang pagbuo ng institusyon gaya ng World Bank, na isang independent body na mamahala sa pagpapautang sa mga federal regions na higit na mangangailangan,” paliwanag ni Pimentel.

Sa ilalim ng federal system, ang federal states ay hindi na kailangang maghintay sa pag-apruba ng pamahalaang nasyonal para sa investment na maaaring ilagak sa kanilang nasasakupan.

Ang panukalang modelo ay mayroon ding mga probisyon para sa pinagsasaluhang kapangyarihan kung saan ang mga lokal na pamahalaan ay may kaukulang otonomiya, samantalang mananatili naman ang kapangyarihan ng pamahalaang nasyonal sa mga usapin ukol sa tanggulang pambansa, seguridad at polisiya sa pananalapi.

Sinabi ni Malaya na maririnig mismo ng publiko ang lahat ng rekomendasyon mula sa Concom at DILG sa sandaling simulan na ang roadshows.