NEWS

ADVISORY

DILG nakatutok sa brgy officials na nasa ikatlong termino at 'di na puwedeng kumandidato sa parehong posisyon

March 7, 2018

Bago pa dumating ang petsa ng paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, nakatutok na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga opisyal ng barangay na nasa ikatlong termino na at hindi na pinapayagan ng batas na muling pang kumandidato sa parehong posisyon.

Inatasan ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang DILG Regional Offices na isumite ang mga pangalan ng kasalukuyang Punong Barangays at Sangguniang Barangay members na ngayo’y nasa ikatlong magkakasunod na termino nila sa puwesto.

Aniya, ang pagsasamahing listahan ng mga opisyal ng barangay na nasa ikatlong termino ng serbisyo ay isusumite sa Commission on Elections (Comelec) ngayong Marso para maipaskil sa mga matataong lugar bago ang nakatakdang paghahain ng COC sa ika-14 hanggang 20 ng Abril.

“Mahigpit na binabantayan ng DILG kung sino-sino ang mga tatakbo sa posisyong tatlong magkakasunod na termino na nilang hawak,” banta ni Ano.

Sinabi nito na ang maagap na aksyon ng Kagawaran ay alinsunod sa Section 43 (b) ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code na nagsasaad na "walang local elective official ang maaaring magsilbi ng higit sa tatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon. Ang boluntaryong pagtalikod o pagbaba sa puwesto sa kahit na anong panahon ay hindi maituturing na pagtigil ng kanilang serbisyo sa loob ng isang termino kung saan ang isang opisyal ay nahalal."

Sa kasalukuyan, apat na rehiyon na ang nagbigay ng kanilang listahan sa DILG National Barangay Operations Office (NBOO).

Sa Rehiyon I (Ilocos Region), mayroong 745 na Punong Barangays na nasa ikatlong termino na at 4,483 na Sangguniang Barangay members na nasa huling termino na rin.

Sa Rehiyon 4-B (MIMAROPA), 319 Punong Barangays ang nasa ikatlong termino na, samantalang nasa 1,792 ang nasa ikatlong terminong miyembro ng Sangguniang Barangay.

Sa Rehiyon 7 (Central Visayas), mayroon namang 638 Punong Barangay ang nasa huling termino at 4,059 miyembro ng Sangguniang Barangay ang nasa ikatlong termino na.

Samantalang sa Rehiyon 13 (CARAGA), 290 Punong Barangay ang nasa huling termino na at 1,626 sa hanay ng Sangguniang Barangay.

“Ang tunay na gustong mag-alay ng serbisyo publiko ay sumusunod sa mga alituntunin. Maging matapat po sana ang lahat ng tatakbong Barangay at SK candidates. Nakabantay po ang buong puwersa ng DILG upang masigurong hindi na puwedeng kumandidato ang mga lumampas na sa bilang ng terminong itinakda ng batas,” pahayag pa nito.

Matino, mahusay at maaasahan

Samantala, pinaalalahanan ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya ang publiko na busisiin ang magiging Barangay at SK candidates sa kanilang lugar at tingnan kung ang mga ito ay matino, mahusay at maasahan.

“Ang matino ay hindi corrupt at lumalaban sa katiwalian; lumaban at lumalaban sa iligal na droga; tapat sa serbisyo at bukas sa publiko; magaling at may disiplina; at walang kaugnayan sa masasamang tao o grupo,” ayon dito.

“Ang mahusay namang kandidato ay may platapormang pangkaunlaran at pangkapayapaan; huwaran at modelo ng kanyang mga kabarangay; sumusunod sa mga alituntunin ng pamahalaan at ng komunidad; maayos makitungo sa mga kabarangay; at may patas na pagtingin sa iba’t ibang problema sa barangay,” paglilinaw nito.

Idinagdag pa niya, “Sa mga kandidato na maaasahan dapat ay taglay nila ang katangiang maalam at may kakayahan sa pagpaplano; alistong tumutulong sa panahon ng sakuna; nagmamalasakit sa kapwa; madaling malapitan sa oras ng pangangailangan; at subok sa pagtulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.”

Ayon kay Malaya, ang mga katangiang ito ay iminumungkahing batayan ng pagpili ng karapat-dapat iboto na opisyal sa Barangay at SK sa darating na araw ng eleksyon sa ika-14 ng Mayo.

Kailangan daw ng gobyerno ng bagong lahi ng mga opisyal sa barangay na magpapatupad ng mga pagbabagong minimithi ng administrasyon sa lebel ng barangay.