NEWS

DILG kinilala ang ESSU matapos manalo sa intercollegiate regional federalism debate

May 7, 2018

Kasunod ng umiigting na information at advocacy campaign ng pederalismo sa bansa, pinapurihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Eastern Samar State University (ESSU) dahilan sa pag-uwi nito ng korona sa katatapos na Intercollegiate Federalism Debates sa Tacloban City.

Sinabi ni DILG OIC Secretary Eduardo M. Ano na ang serye ng debate sa pederalismo ay isa sa pinakamahusay na paraan para maipalaganap ang kaalaman at pang-unawa ukol sa pederalismo at kung ano ang maidudulot nitong mabuti sa bawat Filipino, bata man o sa matatanda.

“Ipinaaabot ko ang malugod kong pagbati sa ESSU team at sa lahat ng nakibahagi sa Eastern Visayas intercollegiate debates. Naging mahusay kayo sa pagpapalawak ng kaalaman ng publiko ukol sa merito ng pederalismo na siyang pundasyon ng change agenda ni Pangulong Duterte,” sabi ni Ano.

Pinapurihan din niya ang DILG-Region 8 sa pamumuno ni Regional Director Marivel Sacendoncillo na nag-organisa ng debate na epektibong paraan para makuha ang pakikiisa ng kabataan sa malawakang pagtalakay sa pederalismo.

Si DILG Assistant Secretary Jonathan E. Malaya na namamahala sa DILG Center for Federalism and Constitutional Reform ay nagpahayag din ng kagalakan na ang mga mag-aaral sa kolehiyo ay aktibong nakikilahok sa mga talakayan tungkol sa pederalismo.

Hinimok din ni Malaya ang ESSU at ang lahat ng kalahok sa debate na tumulong sa pagpapalaganap ng pederalismo sa kanilang mga unibersidad pati na ang malaking magiging benepisyo nito sa academic sector at maging sa buong bansa.

“Bilang first time voters, mahalaga na ang kabataan ay kabilang sa talakayan dahil sa bandang huli, ang henerasyon ninyo naman ang makikinabang sa masiglang ekonomiya na idudulot ng pederalismo,” saad nito.

Una dito, inatasan ng Presidente ang DILG upang pamunuan ang information at advocacy campaign ng pederalismo.

Ang ESSU Debate Team ay tumanggap ng P20,000 cash, plake, medalya, at certificates. Ang team member na si Jeric Ueno Montes ang siya ring nanalo bilang Best Debater at Best Speaker.

Maliban kay Montes, ang iba pang team members ay sina Wences Alfon Cafe bilang unang tagapagsalita; Joseph Jay Ayon, ikalawang tagapagsalita; Christian Daniel Campomanes bilang Researcher; at sina Ma. Teresita Quillo at Minerva Acedillo bilang mga coaches.

Mula naman sa Leyte Normal University (LNU) ang nag-uwi ng 1st runner-up title at halagang P10,000, plake, medalya, at certificates. Ang LNU team ay binubuo nina Raymond Enriquez (1st Speaker), Larry Mark Orbong (2nd Speaker), Kay Ann Torre (3rd Speaker) at Ave Maria Elizabeth Nacman bilang Researcher at Charles Abanilla at Ara Joy Pacoma bilang coaches.

Kasama naman sa semi-finalists ang Visayas State University (VSU), at Samar College (SC) na tumanggap ng halagang P5,000, medalya at certificates.

Ang federalism debate championship ay pagtatapos ng serye ng eliminasyon kabilang ang 10 provincial elimination matches, 4 quarterfinals matches at 2 semifinal matches na kinabilangan ng malalaking kolehiyo at unibersidad sa rehiyon ng Silangang Visayas.

Ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Leyte Chapter sa pamumuno ni Atty. Leo Giron ay siyang program partner kasama sina Judge Tarcelo A. Sabarre Jr. (Regional Trial Court Branch 30), Wenifredo C. Cuaton (RTC Branch 11) at Judge Mario O. Quinit (RTC Branch 17) na nagsilbing adjudicators para sa championship round.