NEWS

ADVISORY

DILG itinatag ang Federalism campaign management office

February 15, 2018

Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Duterte sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na palakasin ang kamalayan ng mga tao ukol sa pederalismo, bumuo ang DILG kamakailan ng tanggapan na mangangasiwa at mangunguna sa malawakang public information at education drive sa pederalismo.

Ang project management office, na tinawag na Center for Federalism and Constitutional Reform (CFCR), ay pinamumunuan ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo Ano na ang bagong tatag na CFCR ay magkakaroon ng mahalagang papel upang matiyak ang suporta ng publiko sa agenda ng pagbabago ni Presidente na baguhin ang sistema ng pamahalaan.

“Ang sentro ng agenda ng pagbabago ng Pangulo ay ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan mula sa kasalukuyang unitary patungo sa federal system," pahayag ni Ano.

Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong 2016, inatasan ng Pangulo ang DILG na maging pangunahing ahensiya ng gobyerno sa pag-aaral, adbokasiya at kampanya para sa pagpapalit ng sistema ng pamahalaan. Noong Disyembre 2017, muling binigyang diin ng Presidente ang kanyang direktiba sa DILG na palakasin ang public education campaign sa buong bansa.

Sinabi ni Malaya na sa pamamagitan ng CFCR-PMO, ang DILG ang magbubuo at magsasaayos ng lahat ng information campaign na may kinalaman sa pederalismo sa lahat ng operating units ng DILG kabilang na ang regional at field offices, local government units (LGUs) at stakeholders.

"Sa pagkakatatag ng Center na ito, mapapalakas natin ang kampanya tungo sa pederalismo at mas magiging madali na ang pakikipag-ugnayan sa iba pang national agencies at local government leagues," aniya.

"Magsisilbi ding clearing house ang CFCR ng lahat ng federalism advocacy groups para sa iisang mensahe at mas maayos na koordinasyon," dagdag pa niya.

Kabilang sa mga gagampanan ng CFCR-PMO ay pagpapatatag ng kumpiyansa ng mga stakeholders at pagkakaroon ng mataas na antas ng public trust sa common messages roadmap tungo sa pederalismo; paghubog ng opinion ng publiko sa pamamagitan ng mas maayos pakikipag-ugnayan sa social at mainstream media at media coverage; at gawing primary thought leaders ang mga stakeholders sa pederalismo.

Lilinangin din ng Center ang kapasidad ng DILG at mga katuwang nito bilang focal content providers ng knowledge products hinggil sa pederalismo gamit ang iba't ibang media platforms na nakatuon sa decision makers at mga mamamayan. Palalakasin din ng Center ang DILG bilang focal organization para sa field level machinery na magpapataas ng kamalayan, pagtanggap, pagbabago at pagkilos ng mga kuwalipikadong botante na suportahan ang bagong konstitusyon at ang federal system of government.

Gagamit ang CFCR-PMO ng multi-sectoral at mass based approach na nakabatay sa pananaliksik, adbokasiya at pagsasanay na ipapatupad rin ng mga katuwang ng departamento sa rehiyon para sa mas malawak na information dissemination.

Ang Center ay kabibilangan ng 50 katao (ang kalahati ay regional officers o provincial coordinators) na bumubuo sa operations group, support to operations group, at administrative at finance group.