NEWS

ADVISORY

DILG isinasagawa muli ang Citizen Satisfaction Index System para sa mas mabuting pamamahala

April 12, 2018

Sa ikaapat na taon, muling isasagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng Citizen Satisfaction Index System (CSIS) upang pulsuhan ang mga mamamayan para lalong mapahusay ang serbisyo ng mga pamahalaang lokal.

Ipinahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na nakatulong ang CSIS sa nakalipas na mga taon na matukoy ang 'gaps' sa serbisyo ng mga local government unit (LGU), at sa pagpapabuti ng lokal na pamamahala.

"Nais naming ipasilip sa mga pamahalaang lokal kung ano ang pagtingin ng mga ordinaryong mamamayan sa kanilang mga programa. Nakatutulong ba ang mga ito sa kabuhayan ng mga tao? Ano ang kanilang kailangang pagtuunan ng pansin? Lahat ng ito at higit pa ay masasagot ng CSIS," ani Ano.

Ang CSIS ay mekanismo na idinisenyo upang makuha ang mga mahahalagang opinyon ng mga mamamayan ukol sa serbisyo ng kanilang pamahalaang lokal.

Ayon kay Ano, isinasagawa ang CSIS upang tulungan ang pamahalaang lokal na matagumpay na maisakatuparan ang kanilang mandato na unahin ang kapakanan ng mga mamamayan at upang gabayan sila na matukoy ang mga maaari pa nilang pagtuunan sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo sang-ayon sa Local Government Code of 1991.

"Ang CSIS ay boses ng mga mamamayan, at ayon nga sa ating kasaysayan, ito ang pinakamalakas at pinakamatibay na sentimyento at minsa'y ang tanging opinyon na matimbang sapagkat ito ay tatalakay sa mga isyu na may kinalaman sa mga mamamayan," paliwanag pa niya.

Labinlimang pamahalaang lokal na kabilang sa ikaapat na tranche ng mga munisipalidad na tinukoy mula 2016 ang pinili ng CSIS gamit ang mga criteria tulad ng eligibility bilang benepisyaryo ng Assistance to Municipalities (AM) program para sa taong 2018; pagkakaroon ng Local Resource Institute/s (LRI/s) na mangunguna sa research; at dapat ay tumanggap ng Seal of Good Local Governance.

"Sa tulong ng CSIS, nais naming makapagbigay sa mga pamahalaang lokal na benepisyaryo din ng AM program ng maayos at inclusive na hakbangin na tutugon sa kasalukuyang pangangailangan ng mga mamamayan," aniya.

Kabilang sa 15 LGU na napili ay ang mga munisipalidad ng Banaue, Ifugao; Bauang, La Union; Villaverde, Nueva Vizcaya; Macabebe, Pampanga; Pagsanjan, Laguna; Odiongan, Romblon; Juban, Sorsogon; at Culasi, Antique.

Kasama din ang mga munisipalidad ng Alicia, Bohol; Guiuan, Eastern Samar; Dumalinao, Zamboanga Del Sur; Alubijid, Misamis Oriental; Kapalong, Davao Del Norte; Surallah, South Cotabato; at Carmen, Agusan Del Norte.

Ipinaliwanag din ng Kalihim ng DILG na ang magiging resulta ng CSIS ay ipaaalam sa mga lokal na pinuno ng mga napiling pamahalaang lokal sa pamamagitan ng Utilization Conferences. Doon tatalakayin ang mga natukoy na mga development issue at mga posibleng hakbangin upang masolusyunan ito.

Ang CSIS para sa taong ito ay sinimulan na noong Marso at magtatapos sa Setyembre 2018 sa pamamagitan ng mga utilization conference.