NEWS

ADVISORY

DILG hinimok ang mga Punong Barangay na maghalal ng 'reform-oriented' na mga pinuno ng Liga ng mga Barangay; nilatag ang mga skedyul para sa Hulyo 30 Liga eleksyon

June 26, 2018

Matapos ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng barangay kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga punong barangay (PB) na bumoto ng ‘reform-oriented’ na kandidato para sa eleksyon ng Liga ng mga Barangay (LnB) na nakatakda sa Hulyo 30, 2018.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na kailangang ikunsidera ng mga PB sa paghalal ng mga opisyal ng Liga ang kapasidad ng kandidato na maging kinatawan ng lahat at hindi dahil ito ay nais ng local chief executive.

“Sa ating mga kapitan na boboto ng kanilang lider ng LnB, piliin ninyo ang opisyal na maggigiya sa organisasyon tungo sa mas mahusay na pagganap ng tungkulin,” ani Ano.

"Iboto ang tunay na Matino, Mahusay at Maaasahan na lider.’Wag na po tayong magpasilaw sa ano mang halaga, o dahil siya ang gusto ng mayor o gobernador, o sa simpleng popularidad lang. Piliin natin ang lider na kayang balikatin ang responsibilidad na pamahalaan ang organisasyon kasabay ng pagpapanatili ng kanyang malinis na record,” dagdag nito.

Sa kanyang direktiba, sinabi ni Ano na may nakahandang timeline ang DILG para sa mga aktibidad ng LnB simula Hunyo 25 hanggang sa Liga eleksyon sa Hulyo 30. Idinagdag din niya na ang probisyon ng Republic Act 10952 ay nagtatakda na isasagawa ang lokal LnB elections para sa ex-officion positions sa munisipyo, lungsod at lalawigan hanay na hindi lalagpas sa Hulyo 31, sa ilalim ng superbisyon ng DILG.

Batay sa itinakdang timeline, ang proseso ng paghalal ng lider ng LnB para sa Component City at Municipal LnB Chapters ay nagsimula noong Hunyo 25 hanggang sa proklamasyon sa Hulyo 16 na susundan ng provincial, metropolitan, highly urbanized city at independent component City Chapters mula Hulyo 16-30, 2018.

Inihayag naman ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya na anumang reklamo o alegasyon ng iregularidad na mangyayari sa pagluklok ng lider ng Liga ay dapat ipagbigay alam sa DILG field office na nakakasakop sa kanilang lugar.

“Ang DILG ay inaatasan ng batas na pangasiwaan ang eleksyon ng Liga. Nais din nating siguruhin na magiging payapa at maayos ang eleksyon at walang panghihimasok mula sa labas ng organisasyon,” saad ni Malaya.

Component City and Municipal LnB Chapters

Batay sa DILG Memorandum Circular Bilang 2018-90, ang kasalukuyang Presidente ng LnB ay kailangang magpadala ng nakasulat na abiso sa general membership, gayundin ang Liga Chapter Board Member para sa pagbuo ng ibat-ibang komite at board simula Hunyo 25 kasunod ng pulong sa pagbuo at pagtalaga ng miyembro ng mga komite at boards sa Hulyo 2.

Sa Hulyo 9 hanggang 11, makukuha na sa Nomination Committee ng mga kakandidato ang mga candidacy forms at tatanggap lamang ng Certificates of Candidacies bago o sa mismong ika-5 ng hapon sa Hulyo 11, 2018.

Bago ang araw ng eleksyon o hanggang Hulyo 13 ay sesertipakahan ng komite kung kuwalipikado ang mga kandidato batay sa LnB Constitution and By-Laws at Election Code, at ipapaskil sa chapter office ang listahan ng mga karapat-dapat na kandidato bago ang halalan.

Ang synchronized LnB election para sa Component City at Municipal Chapters ay nakatakda sa Hulyo 16, kung saan ang mga komite tulad ng registration o credentials committee ang mamahala sa akredistasyon at rehistrasyon ng mga delegado sa election meeting; paghanda at pagpapalabas ng kaukulang patunay ng quorum; paghanda at pagkakaloob ng voter’s credential alinsunod sa eleksyon; at pagsumite ng ulat hinggil sa bilang ng bumotong delegado na nakarehistro, sertipikado at akreditado.

Sa mismong araw, pangangasiwaan ng Election Committee ang eleksyon at proklamasyon ng mga nanalo; ang Board of Canvassers ang maging responsable sa canvassing, pagbibilang at pagsertipika ng mga botong tinanggap ng bawat kandidato at isumite ang resulta sa Election Committee gamit ang form 7; ang Board of Election Supervisors naman ang reresolba ng anumang kontrobersiya tulad ng pagkakaroon ng tablang boto at ipatawag ang Philippine National Police kung kinakailangan.

Provincial, Metropolitan, HUC, and ICC LnB Chapters

Sinabi pa ng DILG Chief na ang LnB election process sa Metropolitan, Highly Urbanized City (HUC), at Independent Component City (ICC) ay pareho rin sa Component City at Municipal Chapters ngunit iba lang ang petsa.

Ang kasalukuyang LnB President ay kailangang maglabas ng written notice ng pulong sa mga bagong talagang PB sa Metropolitan, HUC at ICC maging sa bagong halal na Pangulo ng LnB Component City at Municipal Chapters sa Hulyo 16, at maging sa Liga Chapter Board Members para sa pagbuo ng ibat-ibang komite at boards.

Sa Hulyo 23, ang kasalukuyang LnB President ay kailangang bumuo ng pagpupulong para sa pagtalaga at designasyon ng mga miyembro ng Committees at Boards.

Sa Hulyo 24 hanggang 26, ang Nomination Committee ng LnB Chapter Secretary ay kailangang ipaabot sa mga nais kumandidato ang candidacy forms at tatanggapin lamang ang certificates of candidacies bago o hanggang alas-5 ng hapon ng Hulyo 26.

Kailangan ding masertipikahan ng Nomination Committee hanggang Hulyo 27 ang kuwalipikasyon ng mga kandidato bago ang eleksyon batay sa LnB Constitution and By- Laws and Election Code at kailangang ipaskil sa chapter office ang listahan ng kuwalipikadong kandidato bago pa man mag-eleksyon.

Ang synchronized LnB election sa provincial, metropolitan, HUC at ICC Chapters ay nakatakda sa Hulyo 30.