NEWS

ADVISORY

DILG hinimok ang barangay officials na sangkot sa droga na huwag ng tumakbo

April 16, 2018

Sa pagsisimula ng paghahain ng kandidatura noong Abril 14, 2018, hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang mga nais tumakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na sangkot sa iligal na droga na huwag ng kumandidato ngayong Mayo 14, 2018.

“Gawan ninyo ng pabor ang bansa. Huwag ninyo nang isipin pang maghain ng certificate of candidacy para sa kahit anong posisyon sa nalalapit na barangay at SK elections,” saad ni Ano.

“Huwag ninyong gamitin ang tanggapan ng pamahalaan para pagtakpan ang pagkakadawit ninyo sa iligal na droga. Huwag ninyong gamitin ang public funds sa inyong krimen. Hindi sa termino ni Presidente Duterte. Hindi din ngayong panahon ng pamamahala ko sa DILG,” dagdag niya.

Ang paghahain ng certificates of candidacy ay mula Abril 14, 2018 hanggang April 20, 2018.

Binigyan diin rin ni Ano na mahalaga na ang mahahalal na barangay officials ay walang kaugnayan sa iligal na droga sapagkat sila ang mamahala sa Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACS ) sa kanilang mga lokalidad.

Ayon kay Ano, isa sa responsibilidad ng BADAC ay magplano, gumawa ng estratehiya, magpatupad at suriin ang programa at proyekto ukol sa drug abuse prevention sa barangay, iorganisa at gabayan ang BADAC Auxiliary Teams sa kanilang pagbuo ng plan of action para matugunan ang problema sa iligal na droga.

“Paano magkakaroon ng moral authority ang isang tao na pamunuan ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot kung sa kanilang lugar kilala sila bilang protektor, pinansyer o gumagamit ng iligal na droga?” sabi pa niya.

Sinabi ng DILG Chief na ang BADAC ay inaasahan ring magkipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga institusyon gaya ng PNP at municipal o city government sa pagpapatupad ng programa at proyekto hinggil sa drug abuse prevention sa hanay ng barangay.

Matino, mahusay, maaasahan

Nanawagan naman si DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya sa publiko na suportahan ang kampanya ng DILG para sa “Matino, Mahusay at Maaasahang” Barangay at SK Officials na humihikayat sa publiko na maghalal ng mabubuting pinuno sa eleksyon sa Mayo.

Sinabi ni Malaya na naglabas ang DILG ng gabay na checklist ng lahat ng katangian sa pagpili kung ang kanilang kandidato ay matino, mahusay at maaasahang barangay at SK candidates.

Ang Barangay at SK official na “Matino” ay dapat nagtataglay ng mga sumusunod na katangian: hindi "corrupt" at lumalaban sa katiwalian; lumaban at lumalaban sa iligal na droga; tapat sa serbisyo at bukas sa publiko; magaling at may disiplina; at walang kaugnayan sa masasamang tao or grupo.

Ang 'Mahusay' na kandidato naman ay may platapormang pangkaunlaran at pangkapayapaan; huwaran at modelo ng kanyang mga kabarangay; sumusunod sa mga alituntunin ng pamahalaan at ng komunidad; maayos makitungo sa mga kabarangay; at may patas na pagtingin sa iba’t ibang problema sa barangay.

Samantalang para sa katangiang 'Maaasahan', ang kandidato ay dapat na nagtataglay ng mga sumusunod: maalam at may kakayahan sa pagpaplano; alistong tumutulong sa panahon ng sakuna; nagmamalasakit sa kapwa; madaling lapitan sa oras ng pangangailangan; at subok sa pagtulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.