NEWS

ADVISORY

DILG hinikayat ang mga pamahalaang lokal, attached agencies na gamitin ang buong puwersa para sa Undas 2018

October 30, 2018

Ilang araw bago ang Undas, hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pamahalaang lokal at mga ahensya sa ilalim nito na gamitin ang buong puwersa upang matiyak ang payapa at ligtas na taunang paggunita sa mga namayapa.

Ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año, ang dagsa at dami ng mga taong uuwi sa probinsya at dadalaw sa mga sementeryo para sa Undas ay maaaring samantalahin ng mga kriminal at masasamang loob kaya naman kailangang maging alerto at mapagmatyag ang mga pamahalaang lokal at mga ahensya sa ilalim ng Kagawaran.

"Ang Undas ay panahon ng pagsasama-sama at kadalasa'y sinasamantala ito ng mga masasamang loob kaya napakahalaga na alerto ang mga pamahalaang lokal at mga ahensiya sa ilalim ng DILG tulad ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) upang tiyakin ang ligtas, maayos at mapayapang paggunita sa Araw ng mga Patay ngayong taon," sabi ni Año.

Sa isang kautusan, hinikayat ni Año ang mga pamahalaang lokal na pulungin ang kanilang local peace and order council (LPOC) upang bumuo ng contingency plan para sa kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng publiko; pagpapakalat ng law enforcers, mga barangay tanod at mga medical personnel; pagpapanatili ng kalinisan sa mga sementeryo at iba pang pampublikong lugar bago, sa mismong araw at pagkatapos ng Undas; at pagsasagawa ng anumang hakbang para sa mas makahulugan at mapayapang pag-alaala sa mga namayapa.

Hinimok din ang pagtatalaga ng mga barangay tanod at law enforcers sa mga pampubliko at pampribadong sementeryo at memorial parks; mga lokal at pangnasyunal na kalsada para sa maayos na daloy ng trapiko; at sa mga kritikal na lugar upang maiwasan ang pagpasok at paglabas ng mga masasamang loob sa kanilang mga nasasakupan.

"Sa panahong tulad ng Undas kung kailan maraming tao, hindi masama ang maging sobrang handa sapagkat hindi natin alam kung kailan manggagambala ang mga kriminal. Mas mabuti na ito kaysa malapit ang ating mga kababayan sa kapahamakan," paliwanag niya.

Buong puwersa para sa Undas 2018

Ipinahayag ni Assistant Secretary at tagapagsalita ng DILG Jonathan E. Malaya na ang mga ahensyang nasa ilalim ng Kagawaran ay naka-full alert status bilang pagsuporta sa panawagan ng Kagawaran para sa mapayapa at ligtas na paggunita sa Undas 2018.

Ayon kay Malaya, nakahandang ipakalat ng PNP ang 30,000 mga pulis sa mga lugar na madalas puntahan ng mga sibilyan tulad ng mga mall, istasyon ng LRT at MRT, mga simbahan at mga sementeryo, lalo na ngayong ang Undas ay matatapat sa long weekend.

"Ang Undas ngayong taon ay medyo mahaba kaya naman inaasahan na natin na ang mga Pilipino ay hindi lamang dadagsa sa mga sementeryo bagkus ay gagamitin nila ang panahong ito upang magreunion at makapamasyal," ani Malaya.

Ipapakalat din ang road safety marshals sa mga daan patungo sa mga sementeryo at mga lugar kung saan nagtitipon ang mga tao kasama ang pagpapaigting ng koordinasyon sa mga pamahalaang lokal, mga ahensya ng pamahalaan, at mga radio group para sa maayos na daloy ng trapiko.

Pinaalalahanan din ni Malaya ang mga sibilyan na tiyaking ang kanilang mga tahanan ay ligtas bago sila magtungo sa mga sementeryo upang maiwasan na manakawan.

"Sa kabila ng aktibong pag-iikot ng mga security patrol upang maiwan ang insidente ng akyat-bahay, unang linya ng depensa pa din ang pagtiyak nila na ang kanilang mga tahanan ay hindi mapapasok ng masasamang loob," dagdag niya.

Oplan Kaluluwa

Samantala, ang Oplan Kaluluwa ng BFP ay patuloy na nakataas ang heightened alert o Code Blue mula Oktubre 27-29 at full alert naman o Code Red mula Oktubre 30-Nobyembre 2, ayon kay F/Supt. Joanne Vallejo, tagapagsalita ng BFP, upang masigurado na ang lahat ng istasyon ng BFP ay handa sa sunog sa panahon ng Undas.

Ayon kay Vallejo, mag-iinspeksyon ang BFP sa mga terminal ng bus, pantalan at iba pang lugar na pinagtitipunan ng mga tao; pinaiigtingin ang kampanya para sa kaalaman ng pag-iwas sa sunog; at pagpapaikot ng mga trak ng bumbero at ambulansya.

Ang bawat istasyon din ng BFP ay magtatayo ng mga motorist assistance post sa mga pangunahing kalsada bago at matapos ang Undas, at mga medical assistance post malapit sa mga sementeryo at mga malalaking kalye.

Sinabi din ng BFP Spokesperson na ang lahat ng aplikasyon para makapag-'leave' ang mga kawani ng BFP ay pansamantalang sinuspinde upang tiyakin na buo ang kanilang pwersa para sa pinaigting na kampanya sa pagpapakalat ng kaalaman sa pag-iwas sa sunog ngayong Undas 2018 na nakasentro sa paggamit ng kandila at seguridad ng mga tahanan tuwing bakasyon.