NEWS

DILG hinikayat ang mga kababaihan na tumakbo sa halalang Pambarangay, SK

March 14, 2018

Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, hinihikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga kababaihan na makiisa sa halalang Pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK) bilang mga kandidato sa iba’t ibang posisyon at hindi lamang bilang mga botante.

Mariing ipinahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na ang halalang Pambarangay at SK ay magandang pagkakataon para sa mga kwalipikadong kababaihan upang patunayan na kaya nilang lumikha ng positibong pagbabago sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagtakbo sa mga posisyong pambarangay.

“Ngayong Buwan ng Kababaihan, hinihimok ko ang mga babae na panahon na para ipakita ninyo ang kakayahan ninyong mamuno sa inyong komunidad. Ito na ang panahon ng pagbabago at naniniwala ako na malaki ang maiaambag ng mga kababaihan para makamit ang tunay na pagbabago,” ani Ano.

Ang pagpapasa ng certificate of candidacy para sa halalang Pambarangay at SK ay magmula sa ika-14 hanggang ika-20 ng Abril, 2018.

Base sa datos mula sa Commision on Elections (Comelec), bagaman mas marami ang mga botanteng babae, isa lamang sa limang kumakandidato ang babae.

Ayon kay Ano, karamihan sa mga kababaihan ay mga ina na mahusay na napalaki at nahubog ang kanilang mga anak, at maaari nilang magamit ang mga karanasan at pamamaraan na ito upang mahusay ding hubugin ang kanilang komunidad gaya ng ginawa nila sa kani-kanilang pamilya.

“Naniniwala ako na marami sa mga kababaihan ay matino, mahusay at maaasahan at ito ang mga katangiang dapat taglayin ng isang kakandidato sa darating na halalan,” aniya.

Itinalaga ang Marso taon-taon bilang Pambansang Buwan ng mga Kababaihan sa bisa ng Presidential Proclamation 24 at 227, at Republic Act 6469.

Mga gawain sa Buwan ng mga Kababaihan

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan, inaatasan ng Kalihim ng DILG ang mga local government units na magsagawa ng mga aktibidad tulad ng paglilimbag ng mga information and communication materials ukol sa mga kababaihan, online advocacy na naghihikayat sa pakikilahok sa Buwan ng mga Kababaihan, at pagsasagawa ng mga programa ukol sa nabanggit na pagdiriwang.

Ang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng mga Kababaihan mula 2017 hanggang 2022 ay may temang “We Make Change Work For Women”.