NEWS

ADVISORY

DILG: Walang pagkakaugnay ang mga naging pagpaslang sa mga alkalde

July 5, 2018

Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na walang pagkakaugnayan ng mga naging pagpaslang sa mga mayor at siniguro din nito sa League of Municipalities of the Philippines (LMP) na ang Philippine National Police (PNP) ay nakahandang magbigay ng karagdagang seguridad sa mga mayor kung kailanganin nila ito.

"Wala kaming nakikitang pagkakaugnay-ugnay sa mga nangyaring pagpatay sa mga mayors. Bawat kaso ay may mga sariling katotohanan. Hindi sila magkakaugnay. Sa katunayan, kaunti lamang ang drug-related,” sabi pa ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano.

"Hindi lahat ng mga kaso ng pagpatay ay may kinalaman sa droga. Ang iba ay personal, political at iba't-ibang pang mga dahilan," dagdag pa nito.

Ibinigay ni Ano ang pahayag nang mabahala ang LMP sa kanilang seguridad dahil sa pagkakapatay sa dalawang mayor sa Luzon sa magkasunod na araw ngayong lingo.

Siniguro ni Ano sa mga mayors na wala silang dapat ikabahala dahil nakahanda ang kapulisan na magbigay ng seguridad sa kanila.

“Ang ating kapulisan naman po ay handang magbigay ng karagdagang seguridad anumang oras sa ating mga alkalde at iba pang lokal na opisyal. Makipag-ugnayan lang po kayo sa kanila,” sinabi nito sa mga mayors.

Sabi ni Ano na kailangan lang na magrequest ang mga local chief executive ng karagdagang seguridad mula sa PNP na siya naming sisiguro kung mayroon talagang banta sa kanila at kung ito ay seryoso. "Pinag-aaralan ng PNP ang bawat request bago ito desisyunan".

Ang LMP ay humihiling ng dayalogo kay Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng sunod-sunod na patayan sa mga alkalde nitong nakaraang araw, kasama na ang mga umano’y may kaugnayan sa illegal drug trade.

Matatandaan nitong Martes ng hapon, si Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija ay pinaslang ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo habang siay ay palabas sa tanggapan ng National Irrigation Adminstration (NIA) sa Cabanatuan City. Samantalang noong Lunes ng umaga naman ay napatay ng isang hindi pa nakikilalang gunman si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili habang nasa flag raising ceremony sa harap ng mga empleyado ng city hall.

Tiniyak ng DILG Chief sa mga alkalde na wala silang dapat ikatakot dahil ang kapulisan ay nakatutok sa paglutas ng dalawang kaso at madakip ang may kagagawan ng mga krimen.