NEWS

ADVISORY

DILG: Panatilihin ang "No tattoo rule" para sa mga nais maging pulis

April 10, 2018

Hindi sinusuportahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang nakahaing batas sa Kongreso na tanggalin ang tuntuning nagbabawal sa mga may tattoo na maging pulis.

Ayon kay Ano, ang Philippine National Police (PNP), bilang pangunahing tagapagtaguyod ng batas ay kailangang maging mabuting ehemplo at modelo sa mga Pilipino, higit sa lahat, sa mga kabataan. Dagdag pa niya, ang mga pulis na may tattoo ay taliwas sa malinis at mapagkakatiwalaang imahe na dapat nilang taglayin.

"Sabihin na nating makaluma o tradisyunal, pero ang mga pulis ay hindi lamang dapat maging mahusay sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, mahalaga din na nauunawaan nila na sila ay tinitignan bilang mga role model ng mga tao at higit sa lahat ng mga kabataan," ani Ano.

Nagbigay ng reaksyon ang Kalihim ng DILG sa kontrobersiyal na panukala sa Kongreso na nagsasabi na hindi kailangang maging hadlang ang pagkakaroon ng tattoo sa pagnanais ng mga Pilipino na maging pulis.

Ayon pa sa kanya, hindi man balakid ang pagkakaroon ng tattoo sa mahusay na pagtupad ng kapulisan sa kanilang mga tungkulin, hindi pa rin maaaring ipagsawalang-bahala na ang tattoo ay naiuugnay sa mga masasamang-loob at sa mga lumalabag sa batas.

Paliwanag ni Ano, kailangang iwasan ng mga pulis na maiugnay sa mga ito lalo na ngayong hinihikayat ng PNP ang mga mamamayan na maging katuwang sa paglaban sa ilegal na droga at kriminalidad.

"Dapat marangal ang postura ng mga pulis, suot ang tamang uniporme, malinis at walang tattoo," aniya.

Ipinahayag din ng Kalihim na ang pagbabawal sa tattoo ay makikita din sa kasalukuyang umiiral na kampanya ng PNP na "Tamang Bihis" na nag-uutos sa kapulisan na isuot ang naayon na uniporme, insignia, at iba pang accessories mula sa mga accredited suppliers.

Ayon naman sa PNP Memorandum Circular No. 2014-010 "ang Recruitment Officer ay magsasagawa ng paunang pisikal na inspeksyon upang tignan kung ang aplikante ay may tattoo o anumang kapansin-pansin na depekto sa katawan".

Samantala, makikita naman sa opisyal na website ng PNP Academy na ang tattoo at anumang marka ng pagkakapatiran ay isang basehan para sa medical disqualification.