NEWS

ADVISORY

DILG: Pagtanggi ni Satur Ocampo sa pagrerecruit ng NPA ng mga batang miyembro malaking kasinungalingan

December 4, 2018

Pinasinungalingan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pahayag ni Satur Ocampo, dating kinatawan ng Bayan Muna, na ang Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF) ay hindi nangangalap ng mga kabataan na lalaban sa pambansang pamahalaan.

“Malaking kasinungalingan ang pagtanggi ni Satur Ocampo sa pagrerecruit ng mga kabataan para sa CPP/NPA/NDF. Sa katunayan, may ilang dekada na nila itong ginagawa,” saad ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), limang kaso ang kinakaharap ngayong taon ng CPP/NPA/NDF dahil sa paglabag sa Child Abuse Law at child trafficking. Limang iba pang kahalintulad na kaso ang nakasampa sa korte noong 2017 at tatlo naman noong 2016.

“Nilalason ng CPP/NPA/NDF ang kaisipan ng mga kabataan na mag-aklas laban sa gobyerno. Tinuturuan nila ang mga inosente kung paano gumamit ng baril, paano makipaglaban, paano kuhanin ang simpatiya ng mga tao, awitin ang ibang bersyon ng pambansang awit at sumali sa mga protesta na naglalayong patalsikin ang pamahalaan,” saad ni Año.

“Pinalalakas ni Satur Ocampo at ng kanyang mga kasama ang recruitment o paghikayat sa mga kabataan sapagkat mas madaling lasunin ang isipan ng mga bata na kailangan naman ng NPA upang pamalit sa malaking bilang ng mga rebelde na sumuko na sa pamahalaan,” dagdag nito.

Nitong nakalipas na Hulyo, limang katutubong Manobo sa Bukidnon ang sumuko sa Hilagang Luzon dahilan sa hindi maayos na pamumuhay ng mga NPA.

Isang 15-taong gulang na NPA combatant ang napatay sa girian sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at komunistang rebelde sa Sitio Bayongon, Barangay Astorga sa Sta. Cruz, Davao del Sur noong Abril 21, 2018.

Dalawang lalaki at isang babae, kapwa regular na miyembro ng NPA, ang napatay naman sa enkuwentro sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at NPA sa Compostela Valley noong Hulyo 12 ng nakaraang taon.

Ayon kay Año, sumuko rin ang 11-taong gulang na miyembro ng NPA sa Philippine Army sa Barangay Camansa, bayan ng Asuncion sa Davao del Norte noong 2015. Dalawa namang batang mandirigma at apat na kababaihan ang dumanas ng paghihirap sa kabundukan ng Zamboanga del Sur bago sumuko sa mga sundalo.

Nitong Mayo 2018, iniulat ng United Nations ang beripikadong impormasyon hinggil sa aktibong recruitment at paggamit ng 30 kabataan kung saan anim sa mga ito ay aktibong konektado sa NPA.

“Ang ebidensya tungkol sa pagrerecruit ng mga kabataan sa CPP/NPA/NDF ay walang pagdududa. Sa katunayan, ito ay nailathala na ng media bagaman hindi komprehensibo ang ulat. At kahit laban ito sa lokal at international law, ang teroristang komunista ay patuloy na binubulag ang mga kabataan dahil sa kanilang pagkainosente,” saad nito.

Idinepensa naman ng DILG chief ang PNP sa desisyon nitong arestuhin si Ocampo, Castro at iba pa sa Davao del Norte.

“Tumanggap tayo ng ulat mula sa mga dating mag-aaral ng Salugpongan at guro na nagsasabing laganap ang panghihikayat sa eskuwelahan laban sa gobyerno at pinipilit ang mga ito na sumama sa protesta,” pahayag ni Año.

Sa isinulat na affidavit ng mga dating estudyante at boluntaryong guro sa Salugpongan Learning Center sa Talaingod, sinabi nila na nagkakaroon ng mga pagsasanay sa paaralan sa mga estudyante nito kabilang ang mga kindergarten sa paggamit ng armas.

Sinasabi ring dinadala ang mga kabataan sa kampo ng NPA at pinagbabawalang makipag-usap sa kanilang mga magulang habang sila ay nag-aaral sa Salugpongan.

Nakatala din sa nilagdaang affidavit ang mga insidente ng sexual abuse sa mga bata.

Noong nakaraang lingo, si Ocampo at ACT Party-list Rep. France Castro at iba pa ay naaresto sa isang military checkpoint sa munisipalidad ng Talaingod dahil sa kidnapping at illegal na pagdala sa 14 na kabataan ng walang pahintulot ng kanilang magulang.

LCEs susi para mawakasan ang insureksyon

Hinihikayat ng DILG ang lahat ng local government units (LGUs) na maging bukas at aktibong pangunahan ang laban kontra sa mga kalaban ng estado.

Ayon kay Año, ang malawak na kapangyarihang politikal at impluwensiya ng LCEs sa kanilang nasasakupan ang maaring magtapos sa insureksyon sa bansa.

“Sa pamamagitan ng matatag at epektibong inisyatibo ng pamahalaang nasyonal, walang dahilan para manahimik lamang ang local chief executives, o magpagamit sa mga kalaban ng estado,” pahayag nito.