NEWS

ADVISORY

DILG: Mag-ingat sa mga manloloko na nag-aalok ng pwesto sa rebolusyonaryong gobyerno

March 5, 2018

Muling nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local chief executives, mga opisyales ng gobyerno at publiko laban sa isang grupo na nagsasabing may basbas sila ng pamahalaan na magbigay ng pwesto sa isang “rebolosyunaryong gobyerno”.

Ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano, ang grupong tinatawag na “People’s Congress” ay patuloy na nagpapalaganap ng kanilang panukala na sila ay may awtoridad na magtalaga ng mga opisyales na bubuo sa sinasabi nilang rebolusyonaryong pamahalaan.

“Maaaring ito rin ang grupo na nauna nang naiulat na nangbiktima ng mga walang kamuwang-muwang na mga lokal na opisyales na may hangaring politikal,” sabi ni Ano.

Ayon sa DILG chief, ang pangkat na ito ay umiikot sa mga munisipyo at mga probinsiya at nagsasabing sila ay binigyan ng Malacanang ng kapangyarihan na magtalaga ng mga lokal na opisyales na siya umanong papalit sa pwesto ng mga kasalukuyang namumuno kapag nabuo na ang rebolusyonaryong gobyerno.

Isa sa mga lider ng grupong ito ay nagpapakilalang si “Jose Roa Matias II” na di-umano ay isang abugado at kamag-anak ng Pangulo. Nauna nang sinabi ng DILG na ang taong ito ay isang impostor sapagkat wala ito sa listahan ng mga abugado sa Integrated Bar of the Philippines.

“Inalerto na ang Philippine National Police at inatasan silang imbestigahan ang mga gawain ng grupong ito. Alam na dapat ng publiko ang scam na ito at dapat nilang iwasan ang mga manlolokong ito kahit anong mangyari,” pahayag ni Ano.

Inatasan na ring ang mga DILG field offices na mas paigtingin pa ang pagmamanman sa grupong ito para wala ng mabiktima. Ayon sa pinakahuling nakalap na impormasyon, ang grupong ito ay di-umano umiikot sa mga lalawigan para manghikayat at nagpapabayad para sa membership ID at t-shirt.

Ang iba pang mga miyembro ng “People’s Congress” ay nangangako rin ng trabaho para mapanatili ang kanilang interes at maiangat pa ang kanilang pag-asa.

“Inuulit ko wala pong katotohanan ang rebolusyonaryong gobyerno. Matuto po tayong humindi sa mga manlolokong ito at ibunyag natin ang kanilang mga maling gawain sa lahat ng paraan,” ayon kay Ano.

Hinahamon din ni Ano ang mga barangay officials na bantayang mabuti ang kani-kanilang mga lugar para mapigilan ang pagpasok ng mga manlolokong grupo na ito. “Maging mapagmatyag at protektahan ninyo ang inyong mga nasasakupan laban sa mga manloloko. Kayo ang mga nakakaharap ng inyong mga kabarangay kaya’t nararapat lamang na maging alisto kayo sa lahat ng panahon,” dagdag pa ni Ano.