NEWS

ADVISORY

DILG Freedom of Information (FOI)-compliant na

February 13, 2018

Makakasiguro na ngayon ang publiko na magiging mas madali ang pagkuha ng official records at dokumento sa Department of the Interior and Local Government matapos na masertipikahan itong Freedom of Information compliant ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Sinabi ni DILG Assistant Secretary at FOI Focal Person Epimaco Densing III na ang pagkilala sa departamento bilang FOI compliant ay isang testamento na hayag at bukas ang mga gawain nito sa publiko.

“Nauunawaan ng departamento na mababawasan ang korapsyon kung nabibigyan ng malayang access ang mga mamamayan sa mga impormasyong mahalaga sa kanya, kaya naman ang DILG ay nagpursigi na maging FOI-compliant,” saad ni Densing.

Ayon pa sa DILG Assistant Secretary, ang FOI ay isang paraan upang epektibong mapigil ang korapsyon sa lahat ng antas ng gobyerno. Samakatuwid, para maging mas epektibo ang FOI, kailangan aniya itong makarating sa ordinaryong mga tao sapagkat mas malala ang katiwalian sa hanay ng local government units (LGUs).

“Bilang bahagi ng programa laban sa korapsyon ngayong taon, aatasan ng DILG ang LGUs na magpasa ng ordinansa hinggil sa FOI para magkaroon ng bukas at hayag na lokal pamamahala,” pagbibigay diin pa niya.

Mababasa ng publiko ang kabuuan ng FOI Manual ng DILG sa DILG website.

Upang maging FOI compliant, inaatasan ang mga ahensiya ng gobyerno na i-upload ang kanilang FOI manuals sa kanilang websites sa pamamagitan ng “transparency seal.” Ang paglalathala ng FOI manual ay isa sa batayan ng good governance partikular na sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mamamayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng access sa government information.

Inaatasan ng Executive Order No. 2, Series of 2016 na nilagdaan ni Pangulong Duterte ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa Executive Branch, pamahalaang nasyunal at lahat ng opisina nito, departamento, kawanihan at iba pang tanggapan kabilang na ang government owned or controlled corporations (GOCC), state universities at colleges, at local government units na ipatupad ang full disclosure at transparency sa public service.

Batay sa nasabing EO, bawat Filipino ay dapat may access sa impormasyon, dokumento o papeles na may kinalaman sa official acts, transactions o desisyon, pati na rin sa government research data na basehan sa pagpapalago ng polisiya.

Maliban sa DILG, 380 iba pang state agencies ang nakasunod na sa itinatakda ng FOI. Sa 380 ahensiya ng gobyerno, 160 ang national government agencies, 79 ang government-owned-and/or-controlled corporations, 19 ang state universities at colleges, at 123 ang local water districts.

Para sa detalyadong hakbang at kumpletong impormasyon ukol sa FOI manual, bisitahin ang http://dilg.gov.ph/PDF_File/reports_resources/dilg-reports-resources-201765_e1df4a82fa.pdf.