NEWS

ADVISORY

Año sa PNP: Maglagay ng police assistance desks sa mga paaralan sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 4

May 25, 2018

Halos dalawang linggo bago ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 4, inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang Philippine National Police (PNP) na maglagay ng police assistance desks sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.

“Ang pagbabantay ng katahimikan at kaayusan ay bahagi ng pagbibigay ng kaaya-ayang kapaligiran para sa pag-aaral ng mga estudyante. Magtatalaga ang PNP ng mga pulis sa mga paaralan sa pagbubukas ng klase at magsagawa rin ng foot patrol,” pahayag nito.

Ang inaasahang pagtatalaga ng mga pulis sa mga eskuwelahan, ayon sa opisyal, ay pagsuporta sa Oplan Balik Eswela Inter-Agency Task Force ng Department of Education (DepEd) kung saan ang DILG at PNP ay kabilang sa mga member agencies.

Ayon kay Ano, dapat ding paigtingin ng PNP ang crime prevention programs sa mga paaralan. “Dapat na samantalahin ng mga pulis na itatalaga sa mga eskuwelahan sa pagbubukas ng klase ang pagkakataon para mamigay ng leaflets at flyers tungkol sa anti-bullying, anti-illegal drugs, at anti-crime tips upang maturuan ang mga estudyante kung paano lalabanan ang mga pagsubok na ito,” saad niya.

Samantala, binigyang diin naman ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya ang kahalagahan ng papel ng mga local chief executives para maipatupad ang payapang pagbubukas ng papasok na bagong academic year.

“Maglalabas si OIC-Secretary ng memorandum circular sa mga gobernador, alkalde, at punong barangay na maghihikayat sa mga ito na suportahan ang Oplan Balik Eskwela ng DepEd,” aniya.

Hinihiling din sa local government units (LGUs) na paganahin ang kani-kanilang Peace and Order Councils (POCs), Local Councils for the Protection of Children (LCPCs) at Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) upang maisagawa ang kinakailangang preparasyon, paghandaan ang mga pangangailangan, at gawin ang mga hakbang para sa maayos na pagbubukas ng eskuwela.

“Inaasahan din na magpapatupad ng anti-truancy ordinance ang mga LGUs upang bantayan ang pagpasok ng mga naka-uniporme na estudyante sa malls, internet cafes at iba pang recreation centers, lalo na sa oras ng pasok sa eskuwela,” saad ni Malaya.

Hinihiling din sa mga lokal na pamahalaan na tiyakin ng mga ito na ligtas, malinis, at may klaro ang mga signage o marka ang mga daangpatungo sa mga paaralan.