NEWS

ADVISORY

Año sa LGU ng Boracay: Makipagtulungan kayo sa imbestigasyon ng DILG

February 19, 2018

Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na nakakasakop sa Boracay na makipagtulungan sa imbestigasyong ginagawa ng DILG at DENR matapos na magbabala si Pangulong Duterte na ipasasara nito ang isla kapag hindi ito nalinis sa loob ng anim na buwan.

"May pananagutan ang Local Government sa krisis na kinakaharap ngayon ng Boacay. Dapat ay ipinatupad nila ang environmental laws maging ang kanilang lokal na ordinansa," pahayag ni Ano.

“Wala sanang naitayong commercial establishments sa itinakdang distansiya mula sa coastline kung hindi sila inisyuhan ng building at construction permit ng LGU. Dapat nakita nila itong sitwasyong ito," paglilinaw nito.

Sinabi ng hepe ng DILG na sisilipin din ng kanilang imbestigasyon ang pananagutan ng mga lokal na opisyal na nagpalabas ng building permits, occupancy permits at maging ng business permits sa kabila ng hindi pagsunod sa itinakdang batas at issuances.

"Bakit pinayagan ng LGU na magtayo sila sa lugar na classified bilang forest lands? Bakit pumayag ang Barangay na magbigay ng mga clearance? Gusto nating malaman ang mga bagay na ito sa lalong madaling na panahon," saad ni Ano.

Sinabi rin niya na ang babala ng Pangulo na kasuhan ang lokal na pamahalaan dahil sa seryosong kapabayaan sa tungkulin ay “wake-up call” sa LGU at sa mga may-ari ng establisimyento na kapwa may responsibilidad sa pagpapanatili ng Boracay bilang pangunahing destinasyon sa bansa.

Ayon pa sa kanya, papatawan ng kaukulang administrative at criminal charges ang mga opisyal ng pamahalaan na sangkot, base sa resulta ng kasalukuyang pagsisiyasat. "Minamadali natin ito at susundan natin kung saan tayo dadalhin ng mga ebidensya," pahayag nito.

Nakikipag-ugnayan ngayon ang DILG sa DENR at maging sa Western Visayas regional offices, kaukulang LGU at barangay para matukoy ang sanhi ng naging problema ng Boracay.

“Maliban sa local government officials, ang mga residente at may-ari ng mga negosyo ay kakausapin din ukol sa problema. Ang mabilisang aksyon ay nangangailangan ng sama-samang pagkilos," sabi nito.

Sinabi pa ni Ano na bagaman nakatuon sa isla ng Boracay ang atensyon ng pamahalaan, dapat ding umayos ang LGUs sa ibang lugar kung ayaw rin nilang makastigo.

“Kailangan pa bang masita bago umayos? Kailangan pa ba ng ultimatum galing pa sa Pangulo bago umaksiyon? Nararamdaman na natin ang unti-unting pagkawasak ng ating kalikasan sa dami ng kalamidad na tumatama sa bansa sa loob ng isang taon," dagdag nito.

Inihayag naman ng DENR na ang mga sumuway na establisimyento na nagtatapon ng kanilang dumi at basura sa karagatan ng Boracay ay binibigyan ng dalawang buwan para luminya sa sewage treatment plant ng Boracay Island Water Company (BIWC) o magtayo ng sarili nilang wastewater treatment facilities bilang pagtupad sa environmental laws.