NEWS

ADVISORY

Año pinangunahan ang mga kawani ng DILG sa mandatory drug testing

December 5, 2018

Ang mahusay na pinuno, mahusay ding tagasunod.

Totoo sa kanyang personal na tatak bilang isang mabuting halimbawa, pinangunahan ni Secretary Eduardo M. Año ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 1,000 na kawani ng Departamento mula sa Sentral na Tanggapan sa ipinatutupad na ‘mandatory drug testing’ sa DILG-NAPOLCOM Center, EDSA cor. Quezon Avenue, Quezon City.

“Bilang pinuno ng DILG na isa sa pangunahing ahensiya na nangunguna sa kampanya kontra iligal na droga ng Pangulong Duterte, nais kong maging ehemplo sa pamamagitan ng pangunguna sa pagsasailalim sa mandatory drug test na ipinapatupad sa lahat ng DILG personnel,” saad ni Año.

“Walang exempted sa drug testing ng Departamento, maging ang mga opisyal. Nais natin iparating ang mensahe sa lahat kami ay drug-free at handa tayong pangunahan ang laban kontra sa iligal na droga hanggang sa huli,” dagdag nito.

Sumunod din na nagpadrug test sina DILG Undersecretary for Operations Epimaco V. Densing III, Undersecretary for Public Safety Nestor F. Quinsay at Assistant Secretary for External and Legislative Affairs Ricojudge Janvier M. Echiverri.

Ito ang ikatlong taon mula noong 2016 na ang central office ng DILG ay nagsagawa ng taunang mandatory drug testing bilang bahagi ng walang puknat na kampanya ng pamahalaang nasyonal laban sa ipinagbabawal na droga.

Sinabi ni Año na saklaw ng taunang mandatory drug testing ang lahat ng opisyal ng DILG local government sector at empleyado kasama ang mga job order at contract of service na personnel.

Idinagdag pa ng DILG Chief na ito ay bahagi ng paunang requirement sa pagpasok sa government service para sa appointive officials at empleyado.

Nitong unang bahagi ng taon, inihayag ng Kalihim ng DILG ang pagpapatupad ng “one-strike policy” para sa mga opisyal at kawani na lalabas na positibo sa paggamit ng iligal na droga.

Sa sandaling ang empleyado o opisyal ng DILG ay lumabas na positibo sa drug test, bibigyan ito ng 15 araw matapos na matanggap ang abiso na baliktarin o ipawalang saysay ang resulta ng confirmatory test na isinagawa sa mga empleyado. Sakaling mabigo ang empleyado na tumugon sa hamon ng test results batay sa itatakdang panahon ito ay haharapin niya ang kaukulang kaparusahan.

“Ang mga personnel na magpo-positibo ang resulta sa drug testing ay sasampahan ng kasong grave misconduct at may kaukulang parusa na masisibak sa puwesto sa unang pagkakamali pa lamang,” saad ni Año.

Ilalakip din sa 201 file ng opisyal ng DILG o kawani ang pagpositibo nito sa drug test bagaman ito ay mananatiling kompidensyal.

Batay sa Circular 2018-22, ang one-strike policy ng DILG ay alinsunod sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Civil Service Commission (CSC) Memorandum Circular (MC) No.13, s, ng 2017, at Dangerous Drugs Board (DDB) Regulations No. 2 serye ng 2017.